Wednesday, December 3, 2014

TOLENTINO, MAKITID ANG UTAK

KUNG ano’ng sikip ng mga lansangan sa Metro Manila dahil sa hindi masolusyunang trapiko, siya naman palang kitid ng utak ni MMDA chairman Francis Tolentino.


Sorry, mahal na Chairman Tolentino ‘pagkat ito ang napapansin ngayon sa’yo ng taumbayan sa pagtrato mo sa isyung kinasasangkutan ng isa n’yong bata na sinapak ng isang negosyante dahil lang sa pagtatalo.


Una, alamin n’yo kung bakit sinaktan ang bata mo na si Jorbe Adriatico ng Maserati owner na si Joseph Russel Ingco. Si Ingco ay napakayamang negosyante.


Bukod sa naperwisyo at nakaladkad sa iskandalo, sa tingin n’yo ba ay may napala siya sa kanyang nagawa?


Hindi n’yo dapat agad kinakampihan si Adriatico ‘pagkat kayo ay nasa ahensyang nanglilingkod sa bayan na ang sinasahod ay mula sa buwis naming mga sibilyan.


Sa mga itinatakbo ng pangyayari, lumitaw kung ano’ng sama pala ng karakter mayroon iyang si Adriatico.


Hindi naman po sa pagmamaliit sa kanya, ang mga nagrereklamo laban sa kanya ay mula rin sa maliliit na taong dumanas ng kanyang pang-aabuso.


Natutuwa ang mga hamak na vendor, tricycle driver, jeepney driver at ilang motorista ‘pagkat nakahanap umano ng katapat ‘yang bata mo na si Adriatico dahil sa maaskad at walang modong pag-uugali.


Imbes na siya’y kampihan dahil sa siya’y nasaktan at nasira ang ilong, isa-isang naglalabasan ang mga taong nasagasaan niya para siya kondenahin at idiin.


Siya ang sinisisi kung bakit tama lang umano siyang gulpihin. Kulang pa nga raw ang kanyang inabot.


Pangalawa, mahal na tserman, may mga pormal na palang reklamo sa inyong tanggapan laban kay Adriatico. Inaksyunan n’yo ba ito?


Hindi ba’t ito pa lang ay patunay na kung ano’ng klase siyang constable na matagal na dapat na wala riyan sa trabaho?


Lumitaw, tserman, ang inyong kakitiran nang ihayag n’yong mga bayaran ni Ingco ang mga lumalantad at nagsasalita laban sa inyo at sa bata mo.


Hindi po ito paglilihis, gaya ng inyong tinuran, tserman, kundi ito ay isang paglalantad kung sino ang nagsimula ng sakitan…kung sino ang may sala.


Ang nangyaring sakitan ay nasa korte na. Ito ang magpapanagot kay Ingco na dapat lang dahil siya ay nakapanakit ng kapwa.


Pero ang punto ng bayan sa nangyaring ito, hindi agad kayo dapat naging makitid. Bilang lingkod bayan, gumitna lang muna sana kayo.


Bakit ba ganyan ang asal ni Adriatico? Kasi’y nakunsinti ninyo yata ang kanyang kawalang-modo.


Hindi yata kasi naituturo ng MMDA sa mga traffic constable ang pagbibigay ng tamang pagtrato at paggalang sa mga hinuhuling motorista.


Sa totoo lang, ang lalaki ng ulo ng mga bata ninyo na nagkalat sa lansangan. Kadalasan, ang pagtatrapiko ay ginagawa nang pera-pera at hindi para tumulong sa pagpapaluwag ng kalsada. KANTO’T SULOK/NATS TABOY


.. Continue: Remate.ph (source)



TOLENTINO, MAKITID ANG UTAK


No comments:

Post a Comment