ANG tila walang katapusan ang problema sa mga druglord na patuloy umano sa kanilang iligal na mga aktibidad kahit na nasa loob ng New Bilibid Prisons, sa pamamagitan ng pakikipagsabwatan ng ilang tiwaling opisyal, ay madalas laman ng balita.
Ang sabi nila, “Kapag may usok ay may apoy.” Sa paghahalughog ng mga tauhan ng NBP noong Sabado ay nakita ang mga dahon ng marijuana na lihim na nakabalot sa limang pakete sa loob ng LBC parcel.
Natuklasan din nila ang ilang gadget, kabilang na ang mga signal booster, booster charger, WiFi antenna at unit, antenna na panlabas at iba pa, na kailangan nila para maipagpatuloy ang kanilang negosyo kahit na nakakulong.
Nagsasagawa ng imbestigasyon ang Department of Justice upang matunton kung sino ang dapat makatanggap ng paketeng naglalaman ng marijuana at pati na mga may-ari ng nakumpiskang mga gadget. Bunga nito, nag-utos si Bureau of Corrections Director Franklin Bucayu ng malawakang pagbabalasa at drug test sa mga tauhan ng NBP, at sa ibang mga kulungan na nasa ilalim ng BuCor. Nagpahayag si Justice Sec. Leila de Lima na ang mga opisyal at tauhan ng BuCor na matutuklasang tumutulong sa mga iligal na aktibidad ay parurusahan.
Sa mga naglabasang ulat sa nakalipas na mga taon, nabunyag na may mga druglord na may dalawa hanggang tatlong cellphone para maipagpatuloy ang kanilang iligal na negosyo. Bukod sa hayagang paglabag na ito sa alituntunin ng kulungan, pinapayagan pa silang makapiling sa kubol ang kanilang asawa o kerida kailan man nila gustuhin.
Nang manungkulan si Bucayu noong Marso 2013, hinangad ng retiradong PNP director na linisin ang iligal na gawain sa loob ng NBP. Batid niyang umuusad ang kanyang balakin dahil sa mga raid mula Enero ay nakakumpiska sila ng mahigit 1,000 cellphones, bukod sa baril at shabu.
Gayunman, maaaring nayanig si Bucayu at ang kanyang mga opisyal sa kanilang kinauupuan sa ika-109 na anibersaryo ng BuCor noong Nobyembre 25 nang si De Lima, na kanilang panauhing pandangal, ay umaming pinaaandar ng mga maimpluwensyang preso ang negosyong iligal na droga mula sa loob ng NBP gamit ang kanilang mga cellphone. Ang signal jammers sa loob ng compound ng NBP ay nawalan ng saysay, dahil sa signal boosters at ibang gadget na inilagay ng ibang preso.
Ang simpleng pag-aalis sa mga gadget na ito ay hindi magdadala ng wakas sa isang sistema ng katiwalian sa loob ng ilang taon, sa ilalim mismo ng tungki ng ilong ng ilang dating direktor ng BuCor. Kailangan ng matinding solusyon. Kung maaari ay palitan ang mga opisyal at tauhan ng NBP. Pwede silang ilipat sa ibang departamento na hindi sila pamilyar sa makasasalamuha, at ang matutuklasang nakipagtulungan sa mga druglord ay panagutin sa nagawa.
Ang mga nahatulan sa droga ay pwedeng ilagay sa pasilidad na bantay-sarado sa lahat ng oras at hiwalay sa karaniwang kriminal, upang matiyak na wala ni isa sa kanila ang pwedeng magpatuloy ng iligal na gawain.
Iyon ay kung wala sa ating kagalang-galang na mga opisyal ang may gustong magmukhang resort ang NBP, kung saan ang maimpluwensyang kriminal ay makikitang may kausap sa cellphone, abala sa negosyo habang nakahiga at nagpapainit sa ilalim ng araw sa gitna ng isang bakasyon.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment