MARAMI sa atin ang nagulat nang matuklasan sa isinagawang raid ng National Bureau of Investigation at Department of Justice ang mga laman ng kubol sa loob ng National Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa.
Sa halip kasi na mga preso ang makikita sa loob ay puro mamahaling gamit ang laman sa loob ng mga kubol, bukod pa ang mga kakaibang luho na nagagawa ng mga inmate sa Maximum Security Compound.
Kabilang sa mga luhong nakita sa loob ng mga kubol ng mga high-profile inmate ang mamahaling appliances, matataas na kalibre ng baril, shabu, pera na aabot sa halos dalawang milyong piso at sex toys.
Lumutang din ang pangalan ng ilang high-profile inmate na siyang may kagagawan kung bakit nagkaroon ng mga ganitong klaseng luho sa loob ng Maximum Security Compound na hindi dapat makita sa loob ng mga kubol.
Ilang pangalan din ng mga opisyal at dating opisyal ng Bureau of Correction ang sinasabing may kinalaman kung bakit nagkaroon ng mamahaling appliances, baril, shabu, pera at iba pa sa loob ng NBP.
Ngunit katulad ng dati, panay ang turuan ng mga ito kung sino ang dapat sisihin at maparusahan sa nadiskubreng ito ng mga tauhan ng NBI at DOJ samantalang alam naman nating lahat na bilang opisyal ay siguradong may kinalaman sila sa pagkakaroon ng mga luho sa loob ng pambansang kulungan.
Ang nakagugulat lang dito ay bakit parang may ipinagtatanggol ang DOJ samantalang dapat siguro ay pagpaliwanagin ang lahat ng may kinalaman dito nang sa gayon ay matukoy kung sino sa kanila ang dapat na maparusahan.
Isa rin sa nakapagtataka sa kaganapan sa loob ng NBP ay nang magkaroon ng album ang isang inmate sa Maximum Security Compound na sa loob pa mismo ng pambansang kulungan nag-shoot para sa MTV nito.
Sa katunayan nito, nagkamit pa ng pagkilala ang album ng sinasabing inmate at naging patok pa ito sa “You Tube” kung saan ay pinasalamatan pa ng singer/composer ang ilang opisyal ng NBP at ilang politiko.
Sabi tuloy ng karamihan sa mga Filipino, maging sa loob ba ng NBP ay nagagawa pa rin ng mga may pera ang kanilang mga gusto habang ang mga mahihirap na inmate lamang ang naghihirap sa pagbuno sa sentensiyang ipinataw sa kanila ng korte dahil sa nagawa nilang kasalanan.
Hanggang kalian kaya ito mangyayari sa ating pambansang kulungan? Naniniwala tayo na hanggang walang naparurusahan sa nangyaring ito sa NBP ay magpapatuloy ito sa mga susunod pang panahon. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment