NAKARAOS din ang marami sa atin sa kabila ng napakaraming gastos tuwing Pasko. Ngunit marami rin sa atin marahil ang napakalungkot ang nagdaang Pasko dahil naging biktima sila ng mga iba’t ibang uri ng kawatan na nagkalat din kapag ganitong panahon na sagana sa salapi ang marami sa ating kababayan maliban kay Bigwas. Hehehehe.
Dahil nga dumating ang mga bonus, marami sa ating kababayan ang madaling masilaw sa mga inaalok na iba’t ibang uri ng mga gadget, alahas, personal effects at appliance.
Kung noon ay nagbabahay-bahay pa ang mga manlolokong nagbebenta ng pekeng kagamitan na pinalalabas nilang orig, ngayon ay naging high-tech na ang mga ito dahil online na rin ang mga ito.
Sa Facebook, Instagram at iba pang social networking sites, nagkalat ang mga nagbebenta ng kung ano-anong kagamitan na sobrang napakamura. Dito ay makakikita ka ng mga nagbebenta ng mga Iphone o mamahaling relo na ang presyo ay sobra pa sa kalahati sa orihinal na halaga.
At syempre, sino nga ba naman ang tatanggi sa mura, ‘di ba? Kung tatanga-tanga ka, ang akala mong nakamura ka ay mauuwi sa mapapamura ka dahil nabiktima ka na pala ng mga internet scam.
Pangunahing modus ng mga ito ay ang pumunta sa mga online selling site, kabilang na ang mga forum group sa Facebook at dito ay kanilang ipo-post ang litrato at deskripsyon ng kanilang benta.
‘Pag ang mga ito ay hindi pumapayag sa tinawag na “Cash on Delivery” at kinakailangan pa na ikaw muna ang magpadala ng iyong bayad ay magduda ka na.
‘Yung iba naman ay pagbabayarin ka pa sa pamamagitan ng credit card at paypal ngunit hindi nila ipadadala ang iyong gustong bilhin hangga’t ‘di ka bayad.
Kapag ganyan ang sistema ay umatras ka na maliban na lang kung ang pinagbilhan mo ay mga lehitimong online retail store o isa nang dating suki.
May mga kawatan naman na pumapayag sa meet-up ngunit kinakailangang tiyakin na ang lugar kung saan kayo magtatagpo ay sa mataong lugar.
May mga nabalitaan na rin kasi tayong nabiktima ng holdap sa mga meet-up dahil pumayag ang biktima na makipagkita sa mga ilang na lugar.
Huwag na huwag ding pumayag na ibigay ang pera hangga’t hindi ito papayag na i-testing ang inyong binili at tiyakin na ito ay orig at walang depekto.
Mas mabuting maingat tayo sa mga ganitong transaksyon dahil sadya yatang napakaraming walanghiya at mapanlinlang sa ating mga kababayan.
Walang masama na magtipid at maghanap ng mga murang deal subalit kinakailangang maging alerto tayo.
‘Ika nga nila sa ingles, eh, “if it’s too good to be true, then it ain’t true.”
***
Para sa inyong komento at suhestyon, mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com. BIGWAS/GIL BUGAOISAN
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment