WALA na yatang pinakamasarap sa pakiramdam ng isang ina kundi ang makitang nakatapos sa pag-aaral ang anak sa kabila ng paghihikahos sa buhay.
Mistulang nasa cloud nine itong si Ligaya Salva, 40, may 7 anak at isa sa mga Indigenous People o IP ng Brgy. Bulalacao, Coron, Palawan, habang kami ay naglalayag sa karagatan ng Coron, Palawan nang minsang maanyayahan doon ang grupo ng Lily’s Files.
Masarap at masayang kausap itong si Ligaya habang ikinikwento kung paano nakatapos ang anak na si John Paul sa kursong Bachelor of Science in Elementery Education (BSEE) sa Palawan State University.
Ang pamilya ni Ligaya ay isa sa IPs na ginagamit ng National Commission of Indigenous People o NCIP para harangin ang mga mamumuhunan sa Coron, Busuanga at Boracay.
Masakit mang aminin, tanggap ni Ligaya na lumaki siyang mangmang at walang pinag-aralan dahil ayon na rin sa kanya parang ang IPs sa mga nasabing lugar ay talagang pinabayaan at pinagkaitan ng gobyerno sa lahat ng bagay.
Dumating ang Hikari South Sea Pearl Corporation sa Brgy. Bulalacao at ang kompanyang ito ang naging ilaw at nag-ahon sa mga kawawa at kapus-palad na IPs.
Bagama’t sa dagat o tubig lang ang negosyo ng kumpanyang ito, talaga namang binigyan ng magandang buhay ang mga residente sa barangay na ito, kabilang na ang IPs.
Pinalagyan ng Hikari ng ilaw, tubig at kooperatiba ang Brgy. Bulalacao na ang presyo ay napakamura at presyong Divisoria.
Nagpatayo rin ito ng paaralan na ang ibang guro rito ay pinasusuweldo nito, health center at simbahan.
Bagama’t paminsan-minsan ay dumadalaw ang doktor, lahat naman ng pangangailangang gamot ng mga residente ay nanggagaling sa Hikari.
Ayon kay Brgy. Bulalacao Chairman Sabino Flores, mayroong humigit kumulang 500 IPs at halos nasa 15 na lang sa mga ito ang nagpapagamit sa NCIP kapalit ng tig-P500.00 kapag may nautong investors.
Pinatutuhanan din ni Brgy. Chairman Flores na ang Hikari ang naging susi sa pag-unlad ng halos 5,000 residente sa barangay dahil bukod sa liwanag, tubig, bahay, gamot at trabaho, nakapag-aaral pa ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng scholarship ng kumpanya.
Humigit-kumulang 500 ang mga estudyanteng nakinabang at nakatapos ng kanilang pag-aaral.
Aminado rin si Flores na ang “Two Season Resort” na nasa Brgy. Bulalacao na may 16 ektarya ay siyam na ektarya lang ang na-develop dahil sa panggigipit umano ng NCIP sa pamamagitan ng paggamit sa IPs.
Noong dini-develop ang two seasons resort, inisyuhan ito ng TRO ni KISSACK GABAEN Regional Hearing officer ng Region 4-B ng NCIP, kaya napilitang ibigay ng two seasons resort ang kahilingan ng NCIP at binigyan ito ng tumataginting na P2.5-milyon cash, bukod pa sa porsyento sa taunang kita ng resort.
Hindi lang umano ang two seasons resort sa Coron ang piniperwisyo ng NCIP kundi maging ang ibang investors din ng Busuanga at Boracay kaya ang iba ay lumipat na lang ng ibang lugar. LILY’S FILES/LILY REYES
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment