BUKOD sa isang babaeng law student, dalawang tindero pa ang nagpatunay na magaspang talaga ang pag-uugali ni Metro Manila Development Authority (MMDA) traffic constable na si Jorbe Adriatico.
Matatandaang noong isang linggo, nagpang-abot si Adriatico at ang sinitang Maserati driver na si Joseph Russel Ingco sa Quezon City.
Bagama’t ang traffic enforcer ang sugatan, iginiit ng motorista na siya ang biktima ng pangha-harass ni Adriatico.
Itinanggi na ng MMDA na may rekord ng pangha-harass ang empleyado. Pati ang misis ni Jorbe ay pinasinungalingan na rin ang bintang.
Pero lumantad nitong Linggo ang isang law student na si “Grace” at isinalaysay na minsan siyang humingi ng tulong sa traffic enforcer ay binastos siya nito.
Ngayon, dalawang tindero naman sa may Quezon Ave. sa tapat ng Sto. Domingo Church na madalas makakita kay Adriatico ang nagpatotoo sa umano’y hindi magandang pag-uugali ng MMDA enforcer.
Salaysay ng isang “Arnold,” madalas manigaw ng motorista si Adriatico.
“Ang ginagawa niya ‘pag may mga pasahero na humihinto, binubulyawan niya, wala man lang siyang paggalang… Pwede naman niya sabihin na, ‘Sir, Ma’am, pwede ba dun tayo sumakay?’ Pinapagalitan niya, ‘Hoy dun nga kayo!'”
Pinatotohanan din ng isang “Noel” ang paninigaw ng MMDA enforcer.
“Sinisigawan niya ‘yung mga commuter na naghihintay.”
Dagdag pa ni Arnold, “barumbado ‘yan at parang laging galit sa mundo.”
“‘Pag may nakaparadang sasakyan… kinakalabog niya, ‘yung jeep, ‘Hoy umabante nga kayo!'” dagdag ni Arnold. Nagmumura rin aniya ito. ROBERT TICZON
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment