MAG-IISANG buwan na na nilalapatan ng lunas sa Chinese General Hospital (CGH) sanhi ng tama ng bala sa dibdib ang dayuhang si Huang Xing Hou alyas Benson Uy matapos nitong tangkang kitilin ang sariling buhay.
Ang nasabing dayuhan na halos mahigit sampung taon nang nangangalakal sa Pilipinas ay nahaharap sa kasong murder matapos niyang patayin sa pamamagitan ng baril ang kanyang kasintahang si Jenny Lu Tan, isang Chinese na walang papeles para manirahan sa Pilipinas.
Tulad ni Tan, posibleng wala ring papeles o pahintulot mula sa Bureau of Immigration na tumigil sa Pilipinas itong si Huang Xing Hou na hindi makuhanan ng detalye kaugnay sa kanyang pagkatao dahil palaging ipinagyayabang ang abogado niyang si Atty. Allen Capuchino.
Hindi makuhanan ng “mug shot” itong dayuhan dahil na rin sa proteksyong ibinibigay ng kanyang mahusay na abogadong si Capuchino.
Parating sinasabi ng dayuhan na, “Talk to my lawyer.”
Batid ba nitong dayuhan at ng kanyang abogado na kahit nga mga dating Pangulo at senador na kapag kinailangang kuhanan ng mug shot ay walang magawa kundi sumunod sa batas?
Teka nga, hindi kaya kahit sa BI ay may proteksyon ding tinatanggap si Huang Xing Hou?
Nabatid na ang huling transaksyon ng dayuhang ito sa tanggapan na pinamumunuan ni Atty. Siegfried Mison ay noong pang taong 2002.
Bakit nagtatagal pa sa Pilipinas ang dayuhang ito?
Sabi ng ilang taga-Binondo, inaalagaan daw ng ilang tauhan ng BI itong si Huang Xing Hou.
May mga ilang tauhan umano itong BI na pumapasyal sa Binondo de Galeria sa Numansa, Binondo kung saan ito nakatira.
Ang ibang mga dayuhan nga na asawa na ng mga Pinay kapag lumampas lang ng ilang araw ay kaagad na inaaresto ng BI at ikinukulong sa Bicutan samantalang itong dayuhang si Hou ay nagpapasarap sa pagamutan sa proteksyon ng kanyang abogado at ilang tiwaling tauhan ng pamahalaan na naaambunan niya ng grasya.
Bakit nga naman huhulihin ng taga-BI ang mga dayuhang katulad ni Huang Xing Hou gayung malaking pera ang natatanggap na biyaya ng mga ito samantalang ang pabuya lang kapag nagturo o nakahuli ng dayuhang walang papeles ay halos hindi aabot sa P5,000.00
Saan ka pa?
Natural sa mas malaki ang kabig.
‘Yan ang trabaho ng ilang tiwaling empleyado ng BI.
Habang nagbubulag-bulagan si Capuchino, ipinagyayabang pa ng abogadong ito na may amicable settlement na silang nakuha sa pamilya ng biktima.
Sa madaling salita, nabayaran na nila ang kaso.
Kaya naman ilang araw na lang ay lalabas na ang resolusyon na dismissed na ang kasong murder na kinakaharap ng kanyang kliyente.
Magaling!
Sana ganyan din ang ibinibigay ninyong serbisyo sa kapwa Filipino na nangangailangan ng tulong ng mga abogadong katulad n’yo.
Sana iyong nangangailangan ng katarungan ay makakuha ng mahuhusay na abogadong katulad ni Capuchino. PAKUROT/LEA BOTONES
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment