Friday, December 26, 2014

TAHIMIK ANG PASKO WALANG DISGRASYA

NAPUNA nating naging tahimik ang Pasko at wala ring naging nakakikilabot na mga disgrasya sa sasakyan.


Sa pagiging tahimik, walang gaanong kaguluhang naganap.


Karaniwang may kaguluhan gaya ng mga giyera, pambobomba, patayan at iba pa na bunga ng mga rebelyon at iba pang anyo ng magulong politika.


CEASEFIRE


Marahil, naging epektibo ang mga ceasefire o tigil-putukan na idineklara ng mga rebeldeng New People’s Army at ng militar at pulisya.


Ito’y kahit na bisperas ng pagkakabuo ng NPA ang Disyembre 25 na karaniwang nahahaluan ng mga labanan at patayan kahit saan.


May mga mangilan-ngilang krimen pero walang namasaker.


Wala ring gaanong kaguluhang likha ng mga lasing. May ceasefire din yata ng mga hindi lasing kundi nakainom lang.


Hehehe!


Sa mga lalawigan, wala ring gaanong maingay na nakaiistorbo ng mga kapitbahay at wala tayong nabalitaang pinagbabato na mga okasyon.


Naging kapuna-puna rin ang pagkakaroon ng disiplina sa mga naglalakasan ng sound system para sa pagkanta.


CEASEFIRE SA MGA SENGLOT


Ayon sa iba, dapat pasalamatan ang krisis pang-ekonomiya kaugnay ng katahimikan ng mga ordinaryong mamamayan.


Halimbawa umano ang kakapusan ng pambili ng alak na pinagmumulan ng mga away kahit saan na humahantong sa mga sakitan at patayan.


Sa halip kasi na pambili ng alak at magdamagang inuman at pulutan ang nangyari na doon nagsisimula ang mga kaguluhan at ordinaryong krimen, nakita ang maraming senglot na hanggang doon na lang sila sa kani-kanilang mga bahay o kapitbahay.


Usap dito, usap doon kung gaano na kahirap ang buhay ngayon.


‘Di tulad daw noong araw, noong panahon ng mga nagdaang Pangulo ng bansa.


Ngayon puro kagipitan na umano lahat at halos wala nang natitirang pambisyo mula sa mga kinikita nila.


NAHULOG SA BANGIN


Wala rin tayong nabalitaan na nahulog sa bangin na mga bus at iba pang mga pampublikong sasakyang panlupa, maging mga pribado man.


Wala ring lumubog na mga barko o bumagsak na mga eroplano sa mahal kong Pinas.


Kaya masasabi nating walang gaanong malalagim na disgrasya na karaniwang nagaganap dahil sa milyon-milyon kataong naglalakbay tuwing Kapaskuhan.


SALAMAT


Sino-sino ba ang mga dapat na pasamatan sa tahimik at walang disgrasyang Kapaskuhan?


Para sa mga nananampalataya sa kani-kanilang Diyos, ang Diyos ang unang pasalamatan.


Para naman sa iba, ang mga mamamayan ang dapat na pasalamatan dahil sa kanilang mga disiplina sa sarili.


Ang pamahalaan din siguro na naglatag ng napakaraming pwersa kahit saan para lang magkaroon ang lahat ng tahimik at ligtas na Kapaskuhan.


Ah, oo, ang mga rebelde rin na tumupad sa kanilang sariling ceasefirre.

Salamat sa lahat.


o0o

Anomang reklamo o puna ay maaaring ipaabot sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA


.. Continue: Remate.ph (source)



TAHIMIK ANG PASKO WALANG DISGRASYA


No comments:

Post a Comment