Monday, December 1, 2014

Nabubulok na bigas ng NFA gagawing pataba

IPINAHAYAG ng National Food Authority (NFA) na gagawing pataba sa mga pananim ang nabubulok na bigas sa Bgy. Paraoir sa bayan ng Balaoan, La Union.


Kaugnay nito, dumadaing na ang mga residenteng naninirahan malapit sa lugar na pinagtambakan ng tone-toneladang nabubulok na bigas ng NFA.


Ayon sa mga residente, nangangamba silang maapektuhan ang kanilang kalusugan dahil sa masangsang na amoy na nalalanghap mula sa hukay na kinalalagyan ng mga inaamag na bigas.


Maging ang ilang alaga nilang hayop ay apektado rin umano ng maruming hangin.


Samantala, tiniyak naman ng pamununaan ng NFA provincial office na kanilang tatabunan agad ng lupa ang mga ito kapag natapos na ang puspusang paghahakot sa mga natitira pang produkto mula sa bodega sa bayan ng Bangar.


Ang sinasabing 19,292 sako o katumbas ng 1,158 metric tons na nabubulok na bigas ay gagawing pataba para sa mga pananim.


Una nang nilinaw ni NFA La Union provicial manager Nicanor Rosario na ang mga nasirang na bigas ay hindi binayaran ng pamahalaan sa supplier.


Iniangkat ang naturang bigas mula Vietman upang magsilbi sanang karagdagang suplay sa bansa.


Nasira ang saku-sakong bigas matapos mabasa nang sumadsad at mabutas ang barkong MV Vinh Hoa sa bahagi ng Lingayen Gulf na nagbiyahe sa mga ito noong December 2013.


Patungo sana ang naturang sasakyang-pandagat sa pantalan sa Poro Point sa lungsod ng San Fernando, La Union.


Ang pansamantalang pag-iimbak aniya, sa mga nabasang bigas sa warehouse ay upang makaiwas sa kontrobersya ang kanilang ahensya. JOHNNY ARASGA


.. Continue: Remate.ph (source)



Nabubulok na bigas ng NFA gagawing pataba


No comments:

Post a Comment