Tuesday, December 2, 2014

INUTIL ANG GOBYERNO SA BIGAS AT GUTOM

KLARONG-KLARO ang kainutilan ng gobyerno, lalo na ang National Food Authority, sa pamamahala sa mga bigas na nasa alanganin na kalagayan.


Halimbawa rito ang nabulok na 19,292 na sakong bigas sa bodega ng NFA sa Bangar, La Union.


Nabasa ang nasabing bigas nang mabutas ang barko na pinagsakyan nito makaraan itong sumadsad Lingayen Gulf habang patungo sa Poro Point, La Union na roon sana ididiskarga at dalhin sa NFA warehouse noon pang Disyembre 2013.


19,292 PAMILYA


Para sa pamilyang binubuo ng lima katao o mag-asawa na may tatlong anak, isang buwan na pagkain ang isang kaban.


Kung nakapag-isip lang sana ng matino ang mga taga-gobyerno, naligtas sana sa gutom sa loob ng isang buwan ang 19,292 pamilya gamit ang nabulok na bigas noong maayos pa ito.


Pero hinayaan lang na mabulok ang bigas hanggang sa itatapon na lang.


Dahil sa sangsang ng nabubulok at inuuod na bigas, todo-reklamo ngayon ang mga mamamayan sa Bangar. Pati ang mga hayup na matibay ang sikmura sa baho ay nababahuan na rin.


Ma-imagine ba ninyo ang pangyayaring ito, mga Bro?


Sayang na sayang ang bigas lalo na kung iisipin na milyones na Pinoy ang naghihirap at kulang na kulang sa pagkain at nabubuhay sa gutom.


HINDI BINAYARAN


Nauunawaan natin ang NFA na nagsasabing wala itong binayaran na supplier dahil hindi naman nakarating na maayos o in good condition ang bigas.


Ganyan talaga ang kontrata.


Nauunawaan din natin kung bakit kinakailangan ang pagsasaayos ng papeles ng lahat ng ito upang hindi mapanagot ng kung ano-ano ang NFA sakaling magkaroon ng aberya sa pagitan ng NFA, supplier na taga-Vietnam at kumpanya ng barko.


Pero hanggang doon na lamang ba ang lahat?


Wala bang pupwedeng gawin ang NFA sa katulad na sitwasyon para maayos ang kalagayan ng bigas at magamit ng mga mamamayan?


Huwag sabihin ng NFA na walang ginastos ang gobyerno para rito kahit kusing kaya pinabayaan na lang ang butil na mabulok.


USO ANG PAGTATAPON


Wala yatang katapusan ang pagtatapon ng mga pagkain, kahit pa sa gitna ng kalamidad.


Matatandaang may mga trak-trak ding itinapon ng pamahalaan sa basurahan na pagkain para sana sa mga sinalanta ng Yolanda.


Katwiran ng Department of Social Welfare and Development, nabasa o nabaha ang mga pagkain, kabilang na ang mga sako-sakong bigas noong nag-Yolanda at nagka-storm surge.


Anak ng tokwa, alam pala nila ang mga pangyayaring iyon, eh, bakit hindi inuna ang mga ito na ipamahagi sa mga biktima ng kalamidad?


Ang bigas, halimbawa, kahit na mabasa sa ulan o mabaha kaya, ay pupwede namang hugasan at isaing.


Pero pinabayaan ang mga ito na mabulok kahit pa sa mga araw ng kasagsagan ng gutom ng milyones katao na sumisigaw at umiiyak sa paghingi ng pagkain.


BIGAS SA BOC


Puno rin ang Bureau of Customs ng bigas.


“Yun bang === sinususpetsa nilang ipinasok daw sa bansa ng mga “ismagler.”


Kahit saan may mga pinipigil ang BOC na bigas. Pero natetengga ang mga bigas dahil nagsisilbing ebidensya ang mga ito sa mga kaso na isinasampa ng BOC laban sa mga pinaniniwalaan nilang mga ismagler.


Muli, nauuwaan natin ang kilos ng BOC.


Pero hindi ba magawan ng paraan ng ahensya na ihatid sa hapag-kainan ang mga bulto-bultong bigas na hawak nito habang nagaganap ang mga labanan sa mga tribunal at hukuman?


Ang ebidensya naman ay pupwedeng idispatsa basta naisailalim na ito ng rekord ng mga hukuman.


Ganito ang ginagawa sa mga droga na sinisira na ang bulto ng mga ito makaraang mai-rekord ang mga ito sa hukuman.


Noong kasagsagan pa rin ng gutom sa nasa apat milyong biktima ng Yolanda, alam ng lahat na may mga pinipigil na bigas ang BOC pero walang nangahas na galawin ang mga ito para ipamahagi sa mga biktima.


ANO BA ANG GAGAWIN?


Maganda sigurong mag-uusap-usap lagi ang mga kinauukulan sa ganitong mga kalagayan.


Pag-aralan nila nang husto kung ano-ano ang kanilang mga gagawin tuwing may mangyaring kinakailangan ang pagkain ng mga mamamayan gaya sa mga araw ng kalamidad.


Ngayon nga ay may mga bagyo at matitinding tag-ulan, hindi kaya makadudukot ang mga kinauukulan sa mga nakaimbak na bigas bilang relief goods sa mga biktima ng kalamidad?


Aminin man o hindi ng mga nasa pamahalaan, milyones ang nagugutom araw-araw, may kalamidad o wala, na nangangailangan ng bigas.


Ano ang gagawin sa mga nakaimbak na bigas sa BOC, NFA at DSWD kaugnay ng gutom ng napakaraming mamamayan?


o0o

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA


.. Continue: Remate.ph (source)



INUTIL ANG GOBYERNO SA BIGAS AT GUTOM


No comments:

Post a Comment