Friday, December 26, 2014

FROM PROMDI TO BOSSING

SINO ang mag-aakala na ang isang Filipinong probinsyano ay magiging isang big-time accountant at businessman sa Indonesia?


‘Yan ang kwento ni Rod Balmater, isang matagumpay na Pinoy. Probinsyano at anak ng janitor si Rod.


Lumaki siya sa maliit na bayan ng Talavera, Nueva Ecija. Dito na rin siya nag-aral ng elementary at sekondarya.


Nang tumuntong ng kolehiyo ay nais sana niyang sa isang unibersidad sa Maynila mag-aral subalit dahil sa kahirapan ay nagdesisyon siya na sa University of Cabanatuan na lamang mag-enroll at kumuha ng kursong Accountancy.


Nang makapagtapos ay nagdesisyon siyang lumuwas ng Maynila at kumuha ng board exam, na kanya namang naipasa, matapos ang ilang buwan ding pagbabalik-aral.


Nang maging isang ganap na Certified Public Accountant, agad siyang naghanap ng trabaho at pinalad na maging Auditor sa isa sa pinakamalaking accounting firm sa bansa – ang SGV.


Dahil sa pagiging likas na masipag at upang kahit paano’y madagdagan ang kita, nagdesisyon si Rod na magtrabaho rin bilang isang part-time professor sa Philippine College of Commerce.


Taong 1975, napansin ng SGV, ang angking kasipagan at katalinuhan niya, kaya nang magkaroon ito ng expansion sa iba pang bahagi ng Asya ay naatasan siyang ipadala sa Indonesia.


Nang matapos ang kanyang kontrata roon at makauwi sa Pilipinas, nagdesisyon siyang muling mag-aral at kumuha ng master’s degree sa Asian Institute of Management.


Taong 1979 ay muling nagpunta ng Indonesia si Rod, matapos siyang muling pagkatiwalaan ng isang trabaho. Naging in-charge siya isang proyekto na kung tawagin ay 1.2 million dollar project ng World Bank.


Sa pagtatagumpay ng nasabing proyekto, unti-unti ring umangat at nagtagumpay si Rod.


“From 1983 up to 1989, I was the head of the Management of Consulting,” pagbabahagi niya.


Siniguro rin niyang sa bawat pagsubok na kanyang kinahaharap ay higit niyang napauunlad ang kanyang sarili, kaya hindi nagtagal ay naipatayo niya ang kanyang sariling negosyo – ang PT Balmater Consulting Company, isang kumpanyang may kinalaman sa accounting, auditing, finance and control.


Ayon kay Rod, disiplina sa sarili at pagsisikap ang naging katuwang niya upang mula sa pagiging isang ‘promdi’ ay maging ‘big-time bossing’ siya.


*******

Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan overseas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa PTV-4 tuwing Linggo 10:30 ng gabi. Bisitahin ang Facebook fan page: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT. PASAPORTE/JR LANGIT


.. Continue: Remate.ph (source)



FROM PROMDI TO BOSSING


No comments:

Post a Comment