PAGKATAPOS tanggapin ni John Estrada ang karangalan sa katatapos na PMPC Star Awards for TV ay hiningan siya ng reaksyon ng ilang member ng press sa backstage sa isyung nagkakaroon sila ng problema ni Priscilla Meirelles.
Nagsimula kasi ang pagdududa na magulo ang pagsasama nilang mag-asawa dahil sa mensaheng ipinost ni Priscilla sa isang site sa internet.
Pagtutuwid ni John, wala naman daw kahulugan ang naging mensahe ng kanyang misis at lalong walang kinalaman daw ito sa kanilang pagsasama.
Hindi naman nito itinatanggi na nag-aaway sila ng misis na pangkaraniwan naman daw sa isang mag-asawa pero never na aabot daw ito sa paghihiwalay.
Kahit na anong pagsubok daw ang dumaan sa buhay nila ay sinisikap nilang mag-asawa na magtuloy-tuloy na maging maayos ang kanilang samahan.
Pagdidiin pa ng aktor na hindi niya raw nakikita ang sarili na masasalang na naman sa isyung hiwalayan dahil ayaw niyang masabihan na sa edad niya ay wala siyang pinagkatandaan.
At lalong hindi raw niya nanaising mawala sa piling niya si Priscilla dahil sa sobrang maunawain at napakaswerte niya dahil nakakita raw siya ng ganoon klaseng babae na bukod sa maganda, sexy, mabait at hands-on-mommy pa sa kanilang anak.
Kahit na raw may yaya sila para sa baby, pagdating sa pagpapakain, paliligo, palit ng diapers ay asawa raw niya mismo ang gumagawa.
Madalas na binabasahan pa raw ng libro ni Priscilla ang anak nila. ‘Yan daw na tanawin na ‘yan ang nakakapagpa-isip kay John kung gaano siya ka-blessed sa pagkakaroon ng asawa na tulad nito.
Paano daw niya hahayaan na mawala ang isang tulad ni Priscilla sa kanyang buhay. TEKA MUNA/GERRY OCAMPO
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment