TATANGKAIN ng University of Perpetual Help System Dalta ang double championship bukas sa Finals ng 89th NCAA volleyball tournament sa The Arena sa San Juan.
Sinukbit pareho ng UPHSD men’s at women’s division ang Game 1 sa kanilang best-of-three series.
Sumagad sa five-setter bago pinisak ng Lady Altas ang Arellano University Lady Chiefs, 27-29, 25-13, 25-16, 21-25, 15-9, upang mamuro sa three-peat ang una.
Si Honey Royse Tubino ang kumulekta ng 27 puntos para sa Perpetual habang si Jam Suyat ay may four blocks.
Nakopo ng Arellano ang unang frame matapos habulin ang 16-23 abante ng Perpetual subalit nag-init si Tubino kaya nakuha ng huli ang second at third set.
Nahatak ng Lady Chiefs ang Lady Altas sa fourth frame para makahirit sila ng fifth set.
Nakipagbakbakan naman ang Arellano sa huling set dahil tatlong beses nilang naitabla ang iskor subalit sa bandang huli ay lumabas na ang tikas ng Lady Altas upang itakas ang panalo.
Kahit nanalo ay hindi pa rin kuntento si Perpetual coach Sammy Acaylar dahil kailangan pa nilang manalo ng isa upang masungkit ang asam na titulo.
Winalis naman ng Altas sa tatlong sets Emilio Aguinaldo College Generals, 25-18, 25-21, 25-23 upang lumapit din sila sa asam na four-peat sa men’s division.
Bumira si Jay dela Cruz ng 12 hits habang si reigning MVP Edmar Sanchez ay nag-ambag din ng 12 points para sa Perpetual Help.
Samantala, 11:30 ng umaga ang paluan ng Lady Altas at Lady Chiefs habang ala una trenta pagkatapos ng tanghalian ang bangayan sa pagitan ng Altas ang Generals.
The post “Twin Kill” tangka ng UPHSD appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment