IKINATUWA ng United Nations Humanitarian chief ang pagbabago sa kanyang huling pagbisita sa Guiuan at Tacloban City.
Unang pinuntahan ni UN Humanitarian Chief Valerie Amos ang Yolanda survivors sa Guiuan sa Eastern Samar sa umaga kung saan tiningnan nito ang nagpapatuloy na relief distribution.
Ala-1:00 naman ng hapon ay lumapag sa DZR Airport sa lungsod ng Tacloban ang sinasakyan nitong eroplano kung saan dumiretso ito sa Barangay 88, 89 at 90 sa distrito ng San Jose kung saan nagpapatuloy ang paggawa ng mga bangka para sa mga mangingisdang nawalan ng hanapbuhay dahil sa pananalasa ng supertyphoon Yolanda, halos apat na buwan na ang nakakaraan.
Binisita rin ng nasabing UN official ang Redempturist Church sa lungsod kung saan nakatira ang ilang mga pamilya na wala pang matirhan.
Halos 30 minuto itong nanatili doon at nakipaglaro pa ito sa mga bata sa loob ng tent na tinatawag na Child Friendly Place.
Tiningnan din ni Amos ang model house ng Catholic Relief Services (CSR) na nakatakdang ipamigay sa mga residenteng sakop sa itinakdang 40 meters “no build zone” sa lungsod.
Bagamat malaki na ang kanyang nakikitang pagbabago sa rehiyon kumpara sa kanyang unang pagbisita noong nakaraang taon, aminado pa rin ang UN Humanitrian chief na marami pa ang nangangailangan ng kanilang tulong.
Matapos ang isinagawang inspeksyon ay bumalik na si Amos sa DZR Airport upang pulungin ang mga opisyal ng UN at bumalik na rin ito ng Metro Manila.
The post Pagbabago sa Tacloban, Leyte ikinatuwa ng UN appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment