SALAMAT kay Oscar Pineda ng Cebu based reporter ng Sun Star. Isa kang alamat, Kuyang Oscar!
Hindi maitago ni Pangulong Noynoy Aquino ang kanyang galit matapos siyang matanong ni Kuyang Oscar kung bakit mahigit tatlong buwan na ay halos kapos pa rin sa pagtulong ang rehimen sa mga biktima ng bagyong Haiyan o Yolanda. Sa kanyang banta sa kanyang mga tauhan, “gawin ninyo ang inyong trabaho, may mananagot dito.”
Naalala ko tuloy si ex-Pres. Gloria Macapagal-Arroyo (PGMA) noon. Binansagan siya ng mass media na “Taray Queen” dahil sa kanyang “on-site” na pagsermon sa kanyang mga “paboritong” tauhan tulad ni dating NIAA General Manager Ed Manda.
Si Manda ay favorite student ni GMA sa Ateneo pero sinibak siya! Ganyan din ang nangyari kay dating Agriculture Secretary Arthur Yap na halos naligo sa pawis habang sinesermunan siya sa publiko mismo ng kanya ring dating guro. Ang kasalanan nina Manda at Yap ay nahuli sa akto at sumbong dahil sa kapabayaan sa trabaho.
Ang tanong ni Sun Star reporter Pineda ay tama. Pero mas mahaba pang nararansang delubyo sa buhay ng mga biktima ng mga bagyong Sendong at Pablo sa Mindanao sa panahon din ni G. Aquino.
Mali ang Pangulo na ituro niya ang kanyang mga opisyal na nakatutok sa mga kalamidad at sabihan ang media na magsaliksik at magbasa ng datos ng mga ahensyang sangkot sa pagtulong sa biktima ng mga kalamidad.
Paano, Mr. President, kung puro pagtatakip at kasinungalingan ang laman ng kanilang report?
Isa riyan ang enerhiya na nagpapahirap sa mga kababayan natin sa Mindanao. Malala ang nararanasan nilang brownout/blackout na nagpapabagsak ng kanilang ekonomiya!
Kung hindi ka pa nga nagtungo sa mga lugar na nawasak ng kalamidad, malamang hanggang ngayon ang alam mo lamang ay puro mali–batay sa report ng iyong mga opisyal!
Totoo ba na hindi mo alam, Mr. President, ang mga mapanlinlang at sinungaling na mga report sa iyo ng iyong mga tauhan?
Sabi nga ni dating Pangulo at Manila City Mayor ERAP Estrada, “masama ang magsinungaling, baka tamaan ka ng kidlat!”
Well, kung totoo na hindi mo alam, Mr. President. Kung totoo na wala kang alam at napaniwala ng mga tauhan mo batay lang sa kanilang sinungaling na report, hindi ka na dapat maghintay pa kahit isang minute– SIBAKIN mo na sila!
The post HINDI MO BA ALAM, MR. PRESIDENT? appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment