NASA international wanted list na ang napatalsik na Ukrainian president na si Viktor Yanukovych.
Ito ang inihayag ni acting Prosecutor General Oleh Makhnytsky.
Ayon kay Makhnytsky, bumuo na sila ng special group na siyang titingin sa kaso ni Yanukovych.
“Yanukovych is declared internationally wanted, we set a special group to enter this case,” wika ni Makhnytsky.
Sinabi pa ni Makhnytsky, kasama sa mga pinaghahanap ay si former Interior Minister Vitaly Zakharchenko.
Una rito, patuloy ang ginagawang pagtugis kay Yanukovych.
Ito’y makaraang dagdagan ng arrest warrant si Yanukovych dahil sa pagkamatay ng halos 100 raliyista sa marahas na kilos protesta.
Subalit hindi mahagilap si Yanukovych na huling nakita sa lungsod ng Kharkiv noong Sabado.
Pinabulaanan din ng Ukrainian Orthodox monastery na nagtatago sa bunker ng simbahan si Yanukovych.
Sa gitna ng krisis sa Ukraine, umiinit naman ngayon ang word war sa pagitan ng Amerika at Russia bunsod ng political crisis sa bansa.
Inakusahan ng Russian Foreign Ministry ang oposisyon na mga diktador at terorismo umano ang ginagawa sa bansa.
Ayon kay Russian Prime Minister Dmitry Medvedev, mutiny ang ginawa ng interim government na pagpatalsik kay Yanukovych.
Buwelta naman ng White House, hindi Cold War era ang pinag-uusapan.
Sinabi ng White House na hindi na lehetimong lider ng Ukraine si Yanukovych.
Nabatid na suportado ng Amerika ang hakbang ng Ukraine parliament na makipag-alyado sa European Union sa halip na sa Russia.
Binalaan din ng Amerika ang Russia laban sa paggamit ng military force upang makialam sa krisis sa Kiev.
Samantala, umapela ang Ukraine sa international donors ng $35 billion na tulong pinansiyal upang maisalba ang bansa sa economic crisis dahil pinangangambahang bawiin ng Russia ang ipinangakong tulong kasunod ng pagbagsak ng gobyerno ni Yanukovych.
The post Ukraine president, kabilang sa international wanted list appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment