NAKAKALUNGKOT na ang mga elementary at high-school students ngayon ay hindi na alam ang tunay na kuwento ng EDSA Revolution.
May lumabas sa isang pahayagan ng mga sagot ng ilang kabataan na tinanong tungkol sa kung ano ang alam nila sa ginugunita tuwing ika-25 ng Pebrero. Ang sabi ng report sa dyaryo ay nakakatawa daw ang mga sagot ng kabataan, pero mas dapat ay nakakalungkot.
Hindi na rin siguro natin masisisi ang mga batang ito, dahil siguro ang kanilang mga magulang ay nawalan na nang pagpapahalaga sa alaala ng EDSA revolution, o naging dismayado na raw sa sitwasyon ngayon sa ating pulitika, kaya siguro hindi na sila nag-bother na i-kuwento pa sa mga anak nila ang tunay na nangyari noon nang mapaalis ang isang diktador na pamahalaan at nailuklok ang isang demokratikong gobyerno sa pamamagitan ng mapayapa o bloodless revolution.
Mas maa-appreciate natin ang aral ng EDSA kung ikukumpara natin sa mga revolution na nangyayari sa ibang bansa ngayon kung saan marami ang nasaktan at namatay, marami ang nasirang kasangkapan at ari-arian.
Noong EDSA revolution natin, 28 years na ang nakalilipas, ay naging inspirasyon tayo ng maraming bansa at nakilala ang Pilipinas dahil sa ehemplo ng EDSA. Ngayon ay lumalabo na ang magagandang alaala ng unang EDSA na isang peaceful revolution, marami ang pilit pang sinisira ang natitirang alaala nito dahil sa pagkadismaya sa mga nangyayari ngayon. Ang iba ay ibinubunton sa alaala ng EDSA ang pagkadismaya sa mga hidwaan ngayon sa pulitika.
Para sa akin, at bilang magulang, ang ibig kong iwanan na alaala ng EDSA sa aking mga anak ay ang naging tagumpay ng mga Pilipino noon na alisin sa pagkakaluklok ang isang makapangyarihang diktador at ibalik ang demokrasya sa bansa. Ang kasalukuyang reklamo sa pamahalaan ngayon ay walang kinalaman sa naging tagumpay ng Pilipinas sa EDSA revolution noong 1986. Ang pagsabog ng kung anu-anong kuwento tungkol sa talamak na korapsyon ngayon sa gobyerno ay hindi dapat gamitin para sirain ang alaala ng matagumpay na pag-aaklas ng mga Pilipino laban sa labis na korapsyon noon, laban sa paniniil at pang-aabuso.
The post NATIRANG ALAALA appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment