Monday, February 3, 2014

MAHIRAP BANG MAG-“I AM SORRY?”

benny antiporda KUNG may pagkakamali, may nagso-sorry.


Kalimitan, ang mga nagkakamali ang naghahayag ng ‘I am sorry.’


Pero mayroon ding mga tama ang gawa na siyang nagsasabi ng nasabing mga kataga.


Nagaganap ‘yan, mga Bro, sa pagitan ng mga magulang at kanilang mga anak.


Kahit ang anak ang mali, basta humikbi ang bata sa lungkot, walang kaabog-abog na nagso-sorry si tatay o si nanay, sabay alo at akap sa kanilang mga anak.


Matapos noon, masaya na ang magulang at anak at parang walang nangyari


HILING NA SORRY


Ngayon nama’y humihiling ang gobyernong Hong Kong ng pag-‘sorry’ ng ating pamahalaan ukol sa naganap na masaker ng isang nag-alburutong pulis sa walong Hong Kong nationals, apat na taon na ang nakararaan sa pusod ng Luneta, Manila.


Taon na rin ang binilang sa kahilingang ito ngunit hanggang ngayon ay hindi nagso-‘sorry’ ang pamahalaan sa katwirang wala itong kinalaman sa malagim na pangyayari.


Hinihiling ang panghihingi ng dispensa, bukod sa danyos na napunan na yata ng ilang mamamayang Filipino at Tsinoy.


VISA SUSPENDIDO


Dahil sa pagmamatigas ng ating pamahalaan sa usaping ito, sinuspinde na ng gobyernong Hong Kong ang visa-free na pagpunta-punta ng mga opisyal ng pamahalaan sa nasabing lugar.


‘Yun bang === pribilehiyo na bunga ng kasunduan ng Hong Kong at Pinas para sa mga opisyal ng ating pamahalaan.


Kung gusto ng ating mga opisyal na pumunta o mamasyal o daraan sa Hong Kong ngunit patungo sa ibang lugar, kinakailangan na ng mga ito ang visa para sila makapasok sa nasabing lugar.


DINEDMA LANG


Lumalabas na dinededma lang ito ng ating pamahalaan bagama’t pa-consuelo de bobong sinasabi ng Palasyo na nag-uusap ang gobyernong Hong Kong at ang atin ukol dito.


Parang walang nakikitang problema ang mga opisyal.


Pero alam ba nilang mahalagang usapin ito, lalo na kung iugnay ito sa mga overseas Filipino worker sa Hong Kong?


EMERGENCY SA MGA OFW


Halimbawang may emergency ukol sa mga OFW natin, hindi kaya sagabal sa mabilis na pagkilos ng ating pamahalaan ang pagkuha ng visa para sa ating mga opisyal na maaatasang tumulong sa mga OFW?


Alalahaning maging ang mga ating mga diplomat at consul na nakatalaga sa lugar ay sakop na ng suspension ng karapatan sa “visa- free” na patakaran.


Paano makaaaksyon nang mabilis ang ating mga diplomat, consul at iba pang kaukulang opisyal kung hindi sila makakukuha ng Hong Kong visa sa tamang panahon?


Magmumukhang pabaya o inutil ang pamahalaan sa usaping ito kung saka-sakali.


Ano ang mabilis na aksyong mayroon ang pamahalaan kung daranas ang Hong Kong ng matinding kalamidad na libo-libo ang apektadong OFW?


Ang kalamidad ay maaaring likha ng sakit, digmaan, sunog, lindol, bagyo at iba pa.


MAY IBA PA


Ayon sa mga opisyal ng Hong Kong, mayroon pa silang ibang gagawin upang mapanikluhod ang pamahalaang Pinas at humiling ng sorry o dispensa.


Ito ang dapat na pakiramdaman o alamin ng mga bopol nating mga opisyal.


Titirahin ba ang empleyo ng ating mga OFW?


Halimbawa, pagbabawalan na ba ng Hong Kong na mag-renew ng empleyo ang lahat ng mga napapaso nang kontrata ng mga OFW?


At posibleng mangyari ito.


Ano ngayon ang gagawin ng pamahalaan sapagkat marami naman talaga ang pupuwedeng pamalit sa mga OFW gaya ng mga Thai, Indonesian at iba pang galing sa ibang mga bansa sa Asya?


KONEKTADO SA PAMAHALAAN


Para sa atin, malinaw na konektado sa pamahalaan, sa mga opisyal na transaksyon nito ang mga dahilan kung bakit naghuramentado ang pulis na si Capt. Rolando Mendoza noon.


Malinaw na may kaso ito sa Ombudsman pero tinangka umano itong kikilan ng mga taga-Ombudsman para maayos ang kaso.


At katwiran ng pulis, gawa-gawa lang ng iba ang kanyang kaso pagkatapos pahihirapan pa siya mismo ng pamahalaan.


At nang dumating ang malagim na pangyayari sa Luneta, puro kapalpakan din ang ipinakita ng pamahalaan upang tiyaking ligtas ang buhay at ari-arian ng mga biktima.


Kitang-kita ito sa media coverage at hindi pupuwedeng mag-Poncio Pilato ang pamahalaan sa usaping ito at sabihing wala itong anomang pananagutan o kapabayaan kaya hindi ito dapat na mag-‘sorry.’


HINDI PA HULI


Esep-esep naman kayo riyan sa Palasyo. Hindi masama ang humiling ng dispensa, o mag-‘sorry.’


Isaisip natin ang ating mga OFW, ang tungkulin ng ating mga opisyal sa mga pangangailangan ng pamahalaan at OFW na kinakailangan ang mabilis na pagbiyahe patungong Hong Kong.


Halimbawang hahantong ang lahat sa kahilingang kailangang may mademanda sa mga pinaniniwalaan nilang may mga kapalpakan o kapabayaan, so be it.


Ganoon naman talaga dapat ang pangyayari.


Nakapagtataka nga lang at wala man lang napanagot na mga pabaya at palpak sa kanilang paghawak sa hostage krisis.


Sa ibang mga bansa, pagkatapos ang ganoong pangyayari, may nagre-resign, may nakakasuhan, may sinisibak sa trabaho at may ikinukulong.


Pero sa mahal kong Pinas, anak ng tokwa, parang wala lang, walang halaga ang mga nakitil na buhay, maging ang nasirang imahe ng bansa sa mga dayuhan.


oOo


Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.


The post MAHIRAP BANG MAG-“I AM SORRY?” appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



MAHIRAP BANG MAG-“I AM SORRY?”


No comments:

Post a Comment