Sunday, February 16, 2014

GIBAIN ANG MONOPOLYONG MERALCO

MABUTI naman at unti-unti na ring nahuhubaran ng maskara ang Meralco at nalalantad na rin ang patuloy na panloloko at pagsasamantala nito sa publiko.


Kabilang sa mga dapat saluduhan ay sina party-list Rep. Walden Bello at Neri Colmenares na talagang ginagawa ang kanilang trabaho at lumalaban sa mga mapanlinlang na patakaran at gawain ng Meralco.


Ilang beses na ba nating narinig mula sa mga tagapagsalita ng Meralco ang linyang “hindi kumikita ang kompanya nila mula sa mataas na singil ng kuryente dahil tagasingil lamang sila ng mga power generators at suppliers”.


Pero nabuking ang kompanya nang ibunyag naman ni LPGMA party-list Rep. Arnel Ty na sumikad ang kita ng Meralco mula sa P2.8 bilyon noong 2008 papunta sa nakakalulang P17.016 bilyon noong 2012.


Kung hindi tubo ang tawag ng Meralco sa ganyang halaga, ay ewan ko na lang kung ano pa ang tawag doon.


Dahil doon, pinaulanan ng kompanya ang mga shareholders nito nang P40 bilyon halaga ng cash dividends sa loob ng nabanggit na panahon.


Ang lakas pa ng loob ng Meralco na takutin ang mga tao at ang gobyernong Aquino na magkakaroon ng malawakang brown-out sa mga darating na buwan.


Ito anila ay kung hindi babawiin ng Supreme Court ang TRO laban sa mahigit na P9.05 rate increase kada kilowatt hour na siningil nito na bunga umano ng temporary shutdown sa operasyon ng Malampaya.


Lumalabas naman sa pag-aaral ng think-tank na International Energy Consultants, na ang electricity rate na sinisingil ng Meralco ay pangsiyam sa pinakamataas sa buong mundo at pangalawa naman sa buong Asya.


Hindi naman na siguro kailangan ang isang rocket scientist para maintindihan natin kung gaano katindi ginagawang gatasan ng kompanyang ito ang publiko.


Kaya naman, napapanahon na para repasuhin na ang prangkisang ibinigay ng kongreso sa Meralco at gibain na ang monopolyong uri nito.


Sapagkat hanggang nananatiling monopolyo ang Meralco at walang kalaban sa negosyo ay tiyak na patuloy na tataas ang presyo ng elektrisidad sa bansa.


At siyempre, tuloy pa rin ang Meralco sa pagpapasasa sa bilyon-bilyong kita nila taun-taon.


Kung paanong nagiba ang dating monopolyo ng PLDT sa komunikasyon, siguro naman ay magagawa ring gibain ngayon ng pamahalaan ang monopolyo ng Meralco sa elektrisidad.


Ito ay kung sinsero talaga ang gobyernong Aquino na proteksyonan ang interes ng publiko at hindi ang mga taong nasa likod ng monopolyong Meralco.


The post GIBAIN ANG MONOPOLYONG MERALCO appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



GIBAIN ANG MONOPOLYONG MERALCO


1 comment: