Sunday, February 16, 2014

PAMIMIGAY NG TRUCK AT TRAKTORA SA MGA BIKTIMA NI YOLANDA, PINATIGIL NG DAR…

MUKHA yatang may umaalingasaw na amoy sa pamamahagi ng mga truck at traktora ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda sa Visayas Region.


Ang mga nasabing truck at traktora ay bahagi ng P720 milyon Farm Equipment Purchase Program ng DAR na isinalang sa bidding noong nakalipas na Enero 3 sa ilalim ng superbisyon ng Department of Budget and Management (DBM).


Sa nakarating na impormasyon sa Lily’s Files ay napag-alaman na naantala daw ang pag lilinis at pag-aayos ng mga lupang sakahin sa Visayas Region dahil sa utos daw ng DAR na ipahinto ang distribusyon ng mga kagamitan.


Bakit at ano ang dahilan ng DAR kung bakit kailangang ipatigil ang pamamahagi ng mga truck at traktora sa rehiyon gayong kailangang-kailangan na ng ating mga kababayan na nasalanta ng bagyong Yolanda ang mga nasabing kagamitan para sa kanilang unti-unting pagbangon.


Ayon pa rin sa impormasyon , kinuwestiyon daw ang nasabing bidding nina Negros Oriental Rep. Pryde Henry Teves at George Canapi, presidente ng Agricultural Machinery Manufacturers and Distributors Association, Inc. (AMMDA) sa kadahilanang lumalabas umanong “overpriced” ang mga traktora dahil “overspecified” ang requirements ng DAR at DBM sa aktuwal na pangangailangan.


At dahil dito, nagpasya itong si DAR Secretary Virgilio Delos Reyes na itigil muna ang pamamahagi ng mga traktora upang matiyak ang pagsunod ng bidding sa mga rekisitos ng batas sa pagbili ng mga kagamitan sa pagsasaka at sinasabing magpapatawag na lang daw ng bagong bidding ang DBM para sa mga traktora sa susunod na 30 araw.


Naku ito na naman tayo, napakahaba ng 30 araw para sa mga magsasakang gustong makabangon agad, kailangang i-monitor itong maigi ng mga recipient dahil baka makalimutan at yung 30 araw ay umabot pa ng taon.


Tanggap naman ng National Chairman ng Kapisanan ng Magsasaka, Mangingisda at Manggagawa ng Pilipinas, Inc. (KaMMMPi) na pansamantalang maaantala ang paglilinis at pag-aayos ng mga lupang sakahan sa rehiyon dahil sa utos ng DAR na ipahinto ang distribusyon ng mga kagamitan pero siguruhin lang ng DAR na ipamimigay ang mga truck at traktora sa mga biktima ng bagyong Yolanda.


“Nauunawaan namin na kailangang maging klaro at patas ang proseso ng bidding—hindi namin sinisilip iyon. Ang panawagan namin ay para sa mabilis na resolusyon ng usaping ito at para sa kapakanan ng mga magsasaka sa Visayas na nais na bumangong muli ang kanilang kabuhayan,” ang pahayag nitong si Vicente L. Domingo ng KaMMMPi


Bukas po ang Lily’s Files para sa inyong mga reklamo, suggestions at komento, mag text lang po sa 0908-7230036 .


The post PAMIMIGAY NG TRUCK AT TRAKTORA SA MGA BIKTIMA NI YOLANDA, PINATIGIL NG DAR… appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



PAMIMIGAY NG TRUCK AT TRAKTORA SA MGA BIKTIMA NI YOLANDA, PINATIGIL NG DAR…


No comments:

Post a Comment