NAGPUPUYOS na sa galit ang mga survivor ng typhoon Yolanda dahil matapos ang mahigit na 100 araw, karamihan sa kanila’y wala pang maayos na bahay at ang kanilang kinabukasan ay hindi malaman kung saan papunta.
Mismong ang United Nations (UN) ang nagsasabi na walang matinong tulong na natatanggap ang mga kababayan nating sinalanta ng bagyo.
Lumilitaw na puro salita lang ang gobyerno sa umano’y ginagawa nitong aksyon para matulungan ang mga biktima. Sa aktuwal, ang mga kababayan natin sa Kabisayaan ay patuloy na naghihirap.
Ang kawalan ng maayos na bahay ay kaya pa nilang tiisin. Pero ang kawalan ng wastong makakain ay napakahirap. Masakit ito sa mga survivors ng bagyo lalo’t alam naman nila na umulan ng mga tulong mula sa iba’t ibang bansa.
Ayon sa UN, ang kahirapan at kawalan ng makakain ang posibleng magtulak sa mga biktima na kumapit sa patalim.
Iniulat na nakaabang lang sa kanilang tabi ang mga sex trafficker na anomang sandali ay puwede silang pagsamantalahan. Malamang na patusin ng mga kababaihang gutom at nagpapakain ng mga anak ang alok ng mga buhong kapalit ng pagbebenta ng katawan. Masakit itong katotohanan subalit tila binabalewala ito ng pamahalaan.
May pabahay (bunkhouses) ang gobyerno pero hindi pa mapakinabangan. Kasi’y hinahaluan ng pulitika ang mga hakbang ng pamahalaan. Pinipili umano ang mga bibigyan ng bunkhouse na iniulat na overpriced.
Bilang housing czar at pinuno ng key shelter agencies, si Vice President Jojo Binay ang dapat namumuno sa pagpapagawa ng mga pabahay sa mga biktima. Dahil kalaban siya sa pulitika, si DILG Sec. Mar Roxas ang pumapapel. Itinalaga si Ping Lacson bilang rehab czar pero walang silbi ang kanyang posisyon. Kung baga sa chess, isa lang din siyang miron.
Ang DSWD ay walang silbi sa isinasagawang relief operations. Maraming biktima na hindi nararating ng pagkain. Kaya marami nang namamatay at nagkakasakit.
Kaya sabi nga ng mga kababayan natin sa Leyte at Samar, mga “waray pulos” ang mga tauhan ng gobyernong Aquino para sila’y tulungan.
Waray pulos, ang ibig sabihin ay walang silbi, walang kuwenta o sa madaling salita’y inutil ang Aquino administration.
The post MGA WARAY PULOS appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment