IPINAGDIWANG ang EDSA People Power Revolution 1 o EPPR1 sa nakalipas na tatlong araw at naging Finale kung tawagin ang salubungan ng mga nag-aklas na puwersa ng pamahalaan at ng mga mamamayan.
Pero sa dalawang lugar sa Pinas isinagawa ang mga Finale: sa EDSA at sa Cebu.
Pinamunuan ni ex-President Fidel Ramos ang selebrasyon sa EDSA habang si Pangulong Benigno Aquino III sa Cebu.
Walang kaibahan ang nangyari sa nagaganap tuwing isinasagawa ang paggunita kay Gat Jose Rizal na may kanya-kanyang lugar ang mga namumuno ng bansa sa paggawa nito.
KALABAW MUNA BAGO DASAL
MARAMI ang kumukuwestiyon sa ‘paglayas’ umano ni PNoy sa Metro Manila at pagpunta nito sa Cebu sa mga araw na ginugunita ang EDSA Revolt.
Sa halip na dumalo sa Finale o salubungan sa EDSA, sa Cebu ito isinagawa ni PNoy.
Sabi ng mga pumupuna, wala na kay PNoy ang espiritu ng EDSA.
Pero katwiran naman ng iba, at marahil ay katwiran din ni PNoy, naging sentro rin ng anti-martial law na gobyerno ang Cebu at Kabisayaan at dapat din itong kilalanin bilang isang malaking katotohanan sa tagumpay ng EDSA.
Isa pa, malinaw ang posisyon ni PNoy na unahin munang lingapin ang mga biktima ng mga kalamidad bago ang anomang pagpi-piyesta sa Metro Manila ukol sa nasabing rebolusyon.
Sabi nga rin ng diwa ng Bibliya, unahin mo munang iahon ang nahulog mong kalabaw sa balon kaysa magsimba ka.
May dapat na prayoridad ang sinomang tao, lalo na sa hanay ng mga opis-yal ng bayan.
MGA PRAYORIDAD
SPEAKING of mga prayoridad ayon sa diwa ng EPPR1, naaalala natin ang mga repormang agraryo, mga masaker sa Mendiola at Hacienda Luisita, korapsyon at pandarambong, rice importation cum smuggling, public-private partnership, rehabilitasyon ng mga nakalamidad, ChaCha, kompensasyon sa mga biktima ng martial law, media killings at marami pang iba.
Ano-ano na ang nagaganap dito, lalo na sa panahon ng panunungkulan ni PNoy na malapit nang magtapos?
REPORMANG AGRARYO
KAMUSTA na nga kaya ang repormang agraryo?
Lalo na ang lupa para sa mga magsasaka na sabihin nating libre sana, lalo na sa mga kuwestiyonable kung paano inangkin ng mga panginoong maylupa ang mga daan-daan o libo-libong ektaryang sakahan o lupain.
Sabi ng mga taga-DAR mismo, madali ang repormang agraryo, kahit pa pabayaran sa mga magsasaka pero hanggang sa mga pag-aari lang ng mga maliliit na panginoong maylupa.
Pero nang dumating na ang programa sa mga may-ari ng mga nasa 50 ektarya, daan-daang ektarya at libo-libong ektarya, armalite na umano ang kaharap ng mga abogadong pabor sa repormang agraryo.
Isa pa, higit na pinagkakaabalahan umano ng mga taga-DAR ang pamimigay ng malalaking salapi sa mga pa-nginoong maylupa bilang kabayaran ng mga lupain at conversion ng mga lupain para malibre sa nasabing programa.
Nagaganap umano ito kahit pa sa panahon ni PNoy at nganga ang mga magsasaka sa tunay ng repormang agraryo.
MGA MASAKER
KABILANG sa mga makasaysayan na masaker ang Mendiola at Hacienda Luisita massacre.
Ano na nga pala ang mga nagaganap dito?
Hindi natin narinig na prayoridad ito ng kasalukuyang pamahalaan at hanapin ang mga utak dito para mabigyan ng katarungan ang mga namatay at nasugatan.
Tahimik at ganap na yatang kinalimutan ng EPPR1 ito.
KORAPSYON AT PANDARAMBONG
NOW showing ang pelikulang laban sa korapsyon at pandarambong.
Pero tabinging-tabingi ang laban na ito dahil konektado ang mga imbestigasyon at kaso sa halalang 2016.
Napakaraming nakasampang kaso laban sa mga taga-Malakanyang at kaalyado ng mga ito pero wala tayong marinig na pagkilos at pagkondena ng Department of Justice, Office of the Ombudsman at Kongreso.
Ang napakasama pa, ang mga nag-iimbestiga, lalo na ang mga nasa Kongreso ay kaparehong kawatan ng mga iniimbestigahan.
Ang nakatatawa, pulitika lang daw ang ingay laban sa mga KKKK habang guilty agad ang turing ng mga ito sa mga kalaban nila sa presidential election sa 2016.
PUBLIC-PRIVATE PARTNERSHIP
ISA lang ang kapuna-puna rito.
Daan-daang bilyong piso ang nakalaang salaping bayan para rito pero ipapasakamay ito sa mga malalaking kompanya na magsasagawa ng mga proyekto.
Bantulot ang gobyerno na magbigay ng direktang tulong kahit ilang libong piso lang kahit pa sa mga sina-lanta ng mga kalamidad at wala rin kahit sa mga biktima ng martial law.
CHA-CHA AT MEDIA KILLINGS
SA mga isyung ito kitang-kita ang magkaibang interes ng mga namumuno sa bansa.
Simbilis ng kidlat ang kilos ngayon ng mga nasa Kongreso at Malakanyang para maretoke ang Saligang Batas habang wala tayong gaanong naririnig na proteksyon mula sa kanila ukol sa media killings, lalo na ang panukalang batas Freedom of Information.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.
The post EDSA PEOPLE POWER appeared first on Remate.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment