Tuesday, May 27, 2014

PNOY MANHID KAY ‘PORK KING’

pakurot WALA na sa puwesto bilang general manager ng Metro Rail Transit (MRT) si Al Vitangcol bilang pagbibigay-raan umano sa imbestigasyon kaugnay sa pagbibigay ng pabor sa isang kamag-anak na konektado sa isang kompanya na nakakuha ng kontrata ng MRT noong 2012.


Aba’y totoo na kaya ang ginagawang paglilinis ng administrasyong Aquino sa kanilang bakuran patungo sa “daang matuwid?”


Kung ganoon, bakit hindi rin ipag-utos ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagsibak sa kanyang opisyal na tinaguriang “King of Pork Barrel?”


Mukhang hindi kayang ipasibak ni Pangulong Noynoy si Budget Secretary Florencio “Butch” Abad dahil may nalalaman itong sikreto niya at hindi dahil maraming ipinakilalang pagbabago o reporma sa pamahalaan.


Boom, panis! Laos na ang katwiran ng pamahalaan na magiging malaking kawalan si Abad kapag sinibak ito sa puwesto. Maraming mas magaling kaysa kay Abad, lamang ay hindi nabibigyang pagkakataon lalo na ang career-oriented employees. Kasi naman kapag nagpalit ng pinuno ng bansa, iba na naman ang ilalagay sa puwesto na dapat sana ay ipagkatiwala sa mga karapat-dapat na empleyado.


Lagi na lang nasasakripisyo ang kapakanan ng mga career-oriented employee at walang pakialam sa mga ito ang pamahalaang Aquino. Ang importante’y malagay sa puwesto ang mga taong gusto niyang pagbayaran ng utang na loob sa pagkapanalo niya sa 2010 presidential elections.


Kaya naman, ito ang dahilan kung bakit nagkakagulo ang pamahalaan dahil sa paksyon na bunga ng halalan. Nagpapaligsahan ang mga kamag-anak, kaibigan, kaklase at kabarilan (KKKK) ng Pangulo kung sino ang malakas kay PNoy. Naku, serbisyo sa mamamayan ang nasasakripsyo.


o0o


DAHIL sa natatanggap na reklamo na sagabal sa daan at sanhi ng mabagal na daloy ng trapiko ang mga tricycle at “padyak”, ipinag-utos nina Manila Mayor Joseph Estrada at Vice Mayor “Isko Moreno” Domagoso ang pagbabawal na dumaan ang mga ito sa 46 na kalye sa lungsod.


Tama ang hakbang ng ama at ikalawang ama ng Maynila sapagkat ito ay para rin sa kaligtasan ng mga driver at pasahero ng tricycle at pedicab na dumaraan sa 46 na kalye kung saan mabibilis ang takbo ng mga mas malalaking sasakyan. Gayunman, puwede ang mga itong tumawid.


Naniniwala ang mga puno ng Maynila na maaayos ang daloy ng trapiko kung iparerehistro sa Manila Tricycle Regulatory Office sa ilalim ng pamamahala ni Manila Traffic and Parking Bureau director Carter Don Logica ang mga pampasaherong tricycle at pedicab.


Matagal na rin namang hinihingi ng Manila City Hall ang tulong at kooperasyon ng operators para mawala ang kolorum at madisiplina ang kanilang drivers na madalas sumasalubong sa daloy ng mga sasakyan.


Aba’y ano naman kaya ang ipapataw na parusa sa mga magsasamantalang traffic enforcer na palulusutin ang pasaway na tricycle at pedicab drivers lalo na ang kolorum kapalit ng baryang lagay? Sibak tiyak!


The post PNOY MANHID KAY ‘PORK KING’ appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



PNOY MANHID KAY ‘PORK KING’


No comments:

Post a Comment