Tuesday, May 27, 2014

PARUSANG KAMATAYAN

sibol5 MATINDI na naman ang mga krimen. Lumalala ang mga insidente ng karumal-dumal na mga pagpatay. Araw-araw na lang halos na nasa balita ang mga ito.


Ilang beses na natin napag-usapan ang mga maaaring dahilan at mga maaaring solusyon. Pero hindi halos natitigil ang krimen, parang lumalala pa, parang mas nagiging halang ang bituka ng mga kriminal.


Kaya maiintindihan natin kung bakit nauungkat na naman ang usapin ng pagbabalik sa death penalty. Natural na sa kampanya ng mga nagsusulong na ibalik ito ay parang pinalalabas na ito ang magiging solusyon para masugpo ang kriminalidad sa bansa.


Pero duda ang marami kung mapatutunayan nga na ang death penalty ang sagot sa laganap na krimen sa bansa. Natatandaan ko sa mahabang debate sa pag-alis ng death penalty noon, may lumabas na pag-aaral na nagsilbing ebidensya na hindi raw naman mapatitigil ng death penalty ang krimen. May mga datos na ipinakita noon na nagpapatunay na hindi naman bumaba ang kaso ng krimen sa isang bansa dahil lang nagkaroon ng death penalty at hindi rin daw mapatutunayan na mataas ang kriminalidad sa isang bansa na walang death penalty kung ikukumpara sa mga bansa na may polisiya ukol dito.


Pero ngayon ay umiinit na naman ang usapan. Dahil sa sunod-sunod na patayan, rape at nakawan kung saan nilooban na ay pinatay pa ang biktima.


Hindi ako magtataka kung iakyat na naman ang debate sa Kongreso. Maalaalang ang Pilipinas ang kauna-unahang bansa sa Asya na nagtanggal sa death penalty noong 1987, sa panahon ni Pang. Cory Aquino. Bumalik ito sa panahon ni Pang. Fidel Ramos dahil tulad ngayon ay tumaas din ang kaso ng mga krimen noong mga panahong iyon, lalo na ang kidnapping ng mga mayayamang mga Tsinoy sa bansa. Umiiral din ang death penalty noong panahon ni Pang. Joseph Estrada at muli na namang tinanggal, o na-abolish, sa ilalim ng administrasyon ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo.


Ang sabi ng mga pabor sa death penalty, mas matatakot daw ang mga kriminal na gumawa ng krimen at mas angkop daw ang kaparusahang kamatayan sa isang karumal-dumal na krimen. Pero sabi ng mga kontra, hindi mapatutunayan na matatakot ang mga halang ang kaluluwa na gumawa ng krimen dahil sa death penalty.


Malalim daw ang ugat ng kriminalidad sa bansa gaya ng nagkalat na bawal na baril, korapsyon sa mga ahensya ng gobyerno na naatasan na sugpuin ang mga krimen, kahirapan at kawalang pag-asa ng maraming Pilipino. Ano sa palagay ninyo? Tama ba na ibalik at kailangan ang death penalty? Pag-isipan nating mabuti ito.


The post PARUSANG KAMATAYAN appeared first on Remate.


.. Continue: Remate.ph (source)



PARUSANG KAMATAYAN


No comments:

Post a Comment