HINATULAN kaninang umaga, Enero 27, 2015, Martes, ng Sandiganbayan ng habambuhay na pagkabilanggo si dating Sarangani Assistant Provincial Agriculturist Patricio Sol dahil umano sa paglustay ng pondong umaabot sa P74,990.00.
Sa 23-pahinang desisyon, napatunayan ng graft court na si Sol ay guilty sa complex crime ng malversation sa pamamagitan ng pamemeke ng dokumento.
Bukod sa habambuhay na kulong, pinasasauli din kay Sol ang halagang P74,990.00 para sa lalawigan ng Sarangani.
Sa record noong 2003, hiniling ng tanggapan ng Ombudsman sa Commission on Audit (COA) na magsagawa ng special audit sa umano’y anomalya sa Saranggani na may kinalaman sa pagpapalabas ng financial assistance sa iba’t ibang NGO at people’s organizations.
Lumabas sa imbestigasyon dito na ang pondo na sinasabing naibigay sa iba’t ibang NGO ay iligal at ang proyekto ay hindi naisagawa dahilan para malugi dito ang pamahalaan.
Napatunayan ng Sandiganbayan na si Sol ay nagpalsipika ng Disbursement Vouchers at supporting documents upang maipalabas na may napaglaanan siyang pondo na nai-reuqest ng Datal Lanao Tribal Cooperative kahit na ang naturang kooperatiba ay hindi maaaring tumangap ng anomang pondo at hindi accredited sa Cooperative Development Authority bukod sa hindi nagsumite ng financial statements para sa nagdaang tatlong taon.
Wala ring Memorandum of Agreement (MoA) ang naisagawa sa pagitan ng Datal Lanao at ng Provincial Government of Sarangani hinggil dito.
Sa kasong ito, pinawalang-sala dito ang kapwa akusado ni Sol na si dating Sarangani Vice-Governor Felipe Constantino dahil namatay na ito samantalang ang isa pang akusado na si Suzette Clerigo ng Office of the Provincial Accountant ay patuloy na pinaghahanap ng batas. SANTI CELARIO
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment