Monday, January 26, 2015

Batang-hamog binoga ng parak, kritikal

KRITIKAL ang isang 14-anyos na umano’y miyembro ng “Batang Hamog Gang” nang barilin ng isang pulis makaraang tangkain nitong saksakin ang isa sa mga tauhan ng Pasay City Police na umaresto sa grupong nila na nahuling nagbubukas ng isang taxi kahapon.


Kasalukuyang inoobserbahan sa Pasay City General Hospital (PCGH) ang suspek na kinilalang si Ronnie Arganda, 14, walang permanenteng tirahan, sanhi ng tinamong tama ng bala mula ng kalibre .9mm sa dibdib na tumagos sa likuran.


Samantala, nakakulong na sa Pasay City Police ang kanilang lider na si Arnel Igne “alias Onyok”, 18, ng Primero De Mayo St., ng naturang lungsod.


Sa ulat na isinumite kay S/Supt. Sidney Hernia, Officer-In-Charge (OIC) ng Pasay City Police, ala-1:49 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa Taft-Arnaiz Ave. ng naturang lungsod.


Nauna rito, nakatanggap ang opisina ng Pasay City Police ng mga reklamo mula sa mga motorista hinggil sa modus operandi ng grupo sa naturang lugar.


Dahil dito, nagsagawa ng pagpapatrol ang mga kagawad ng Pasay City Police kung saan tiyempo naman nilang naaktuhan ang mga batang-hamog sa pamumuno ng lider nilang si Igne habang binubuksan ang isang nakaparadang taxi.


Dali-daling pinuntahan ng mga pulis ang naturang grupo at habang inaaresto nila ito, bumunot si Arganda ng patalim at tinangkang saksakin si P02 Jessie Bellesta.


Kaagad namang nakabunot ng baril si P01 Benigno Aquino para barilin ang suspek at nang duguang tumumba ay mabilis na dinala ng mga pulis sa naturang ospital habang naaresto naman si Igne.


Sa panig naman ng suspek na si Igne, nakatayo lamang umano sila sa nasabing lugar nang lapitan sila at arestuhin ng mga pulis ngunit pinasinungalingan naman ito ng mga awtoridad. JAY REYES


.. Continue: Remate.ph (source)



Batang-hamog binoga ng parak, kritikal


No comments:

Post a Comment