BINABATI ng Ultimatum si Sarangani Congressman Manny Pacquiao sa kanyang pagkapanalo laban kay Chris Algieri at mapanatili ang hawak nitong WBO welterweight title sa kanilang sagupaan kahapon sa Cotai Arena, Macau.
AMPATUAN MASSACRE
Sabi ni Justice Secretary Leila de Lima, makikipag-usap umano siya sa mga pamilya o naulila ng mga biktima ng Ampatuan massacre.
Mabuti kung gagawin niya ito upang maramdaman naman ng mga naulila na hindi sila pinababayaan ng ating pamahalaan.
Pero hanggang saan ang hindi pagpapabaya ng pamahalaan at hanggang saan ang mga aksyon nito para sa katarungan?
Itong kambal na mahahalagang aspeto ng buhay ng mga naulila ang dapat na tiyaking may patutunguhan ng pakikipagkita sa kanila ni Secretary De Lima.
Kung hindi, para ano ang kanyang pakikipagkita lalo’t galing sa kanya ang isa sa mga pahayag na maaaring walang desisyon ang hukuman sa kaso sa panahon ng boss niyang si Pangulong Benigno Aquino III.
Baka ang mangyayari pa nga, eh, mabibitiwan niya ang kaso dahil malamang na sisibakin siya sa pwesto makaraang lumayas si PNoy sa Malakanyang sa 2016.
MGA SAKSI PINAPATAY
Para matulungan natin si Madam Leila na magiging mabunga ang kanyang pakikipagkita sa mga biktima, heto ang isang usapin.
Pinapatay sa kasalukuyan ang mga saksi na pabor sa mga biktima na 58 katao, kabilang na ang 33 mamamahayag.
Pinakahuling namatay sa ambus si Dennix Sakal habang malubhang nasugatan ang kasama rin niyang saksi na si Sukarno Butch Saudagal.
Ngayon, paano titiyakin ni Sec. De Lima sa mga biktima na ang mga saksi ay mananatiling buhay habang nagsisimulang litisin ang kaso?
Kung mapatay lahat ang mga mahahalagang saksi katulad ng dalawa, magiging hungkag lang ang nasabing pakikipagkita.
DEPOSISYON
Heto pa ang mungkahi natin na gawin ni Sec. De Lima.
Gumawa ito ng paraan na lahat ng mga mahahalagang saksi ng mga biktima ay isailalim sa deposisyon.
Ang deposisyon ay sinumpaang pahayag o salaysay ng isang testigo sa ilalim ng pangangasiwa ng hukuman at magsisilbing ebidensya ito, kahit na mapatay o mamatay sa anomang dahilan ang testigo
Kaiba ito sa ordinaryong sinumpaang salaysay na walang halaga hanggang hindi dumaan sa mga eksaminasyon ng mga magkakalabang panig sa isang kaso.
Tanong: May hakbang na ba ang Department of Justice para sa deposisyon?
O hinahayaan lang nito ang mga saksi na mabuhay sa ilalim ng mga mamamatay na tao hanggang sa walang pagkakataon ang mga ito na magsiwalat ng buong katotohanan alang-alang sa katarungan?
Paano, Sec. De Lima, anong sey mo, huh?
MABILIS NA KATARUNGAN
Syempre pa, inaasam-asam ng mga biktima ang mabilis na pagtakbo ng katarungan.
Sa pakikipagkita ba ni Sec. De Lima sa mga biktimang ulila, eh, babaunin nito ang balita na wala talagang maaasahan ang mga ito na katarungan makaraan ang termino ni PNoy na maaaring ikasibak na rin niya sa kanyang puwesto?
Masamang balita ‘yan, Ms. Secretary, at hindi sapat na sabihan ang mga biktima na mag-antay ng siyam-siyam at magkaroon ng isa o dalawang daang taong pasensya.
Masakit isiping patay na lahat ang mga ulila, patay na sina De Lima at PNoy at patay na rin ang mga akusado ay hindi pa tapos ang kaso.
SADDDAM HUSSEIN
Eto ang isang mungkahi natin na pupwedeng pag-aralan nina Justice De Lima.
Ang kaso ni Saddam Hussein sa Iraq na binitay tatlong taon makaraan itong maaresto dahil din sa kautusan niyang i-massacre ang 142 Shiite sa Dujail, Iraq.
Makaraan itong maaresto noong Enero 2003, ilang buwan lang ang nakaraan, nilitis na ito at kasama sa mga nilitis ang tatlo niyang mga matataas na opisyal na sangkot sa masaker…sina Barzam Ibrahim Al-Tikriti, Awad Hamed Albandar at Ali Hassan Al-Maid.
Hindi kasama ang mga sundalong inutusan nilang dumakip at nagmasaker sa mga biktima.
HINATULAN NG BITAY
Nagsimula ang pagdinig sa mga buwan ng Hulyo-Agosto 2003 at noong Nobyembre 5, 2006, hinatulang mabitay sina Saddam at apat niyang kasama sa kaso.
Inuulit natin, hindi kasama ang mga sundalong inutusan para imasaker ang mga biktima.
Hindi naman sabay-sabay na minasaker ang mga biktima pero grupo silang pinagpapatay.
Binitay si Saddam noong Disyembre 2006 at binitay sina Barzam Ibrahim Al-Tikriti, Awad Hamed Albandar makaraan ang isang buwan samantalang noong 2010 naman binitay si Ali Hassan Al-Maid na pinsan ni Saddam.
Heto ang masakit, binitay naman ng Islamic State nitong Hunyo si Judge Abd Al-Rahman dahil sa pagpabitay niya kay Saddam.
Madam, Sec. Leila de Lima, ano-ano nga ba ang mga babaunin mong balita para sa mga biktima at naulila ng Ampatuan massacre?
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment