Monday, November 24, 2014

QC PWD ELEVATOR, P31.5M

PWEDE nang isali sa Guinness Book of World Records ang huling proyekto ng Quezon City government para sa mga may kapansanan o “Persons With Disabilities (PWDs).” Ito ‘yung “elevator” na ginawa nila sa “underpass” na tawiran mula sa City Hall patawid ng Quezon Memorial Circle.


Pagmamahal sa PWDs daw kasi ang una sa kanilang isipan. Makabayan?


Pero marami ang nagtatanong sa “mahiwagang elevator project” kung dapat nga raw ba talaga na gawin iyon o hindi. Sa unang tingin, maganda nga. Malaking tulong sa mga may kapansanan.


Kaya lang, kwestyon ng mamamayan sa Kyusi ang halaga na inubos sa nasabing elevator. P31.5 milyon daw ang nalaspag, este, nagastos doon. Kinumpara ng taga- KYUSI ang elevator project din ng pamahalaang lungsod na inilagay sa isang footbridge sa Commonwealth Ave. na mula nang ikabit hanggang sa ngayon ay hindi pa napakikinabangan!


Sabi ng taga-city hall, marami pa silang nakahilera na elevator para sa iba pang footbridges – muli – para raw lahat ito sa PWDs. Ang babait ninyo!


Balido ang mga tanong ng taga-KYUSI. Sino-sino raw kaya ang nasa likod ng “elevator project” na gumawa at kumita sa mga proyektong iyan at sa mga susunod pa? Hindi biro ang P31.5-milyon kada elevator dahil hindi naman daw napakikinabangan sa totoong misyon nito.


Tayo man ay nagtatanong kay Mayor Herbert “BISTEK” Bautista. Kailangan ba talaga ang “elevators” na iyan para sa mga may kapansanan o luho lang para kumita ang inyong mga “pribadong kontraktor?”


‘Yung sa harapan ng city hall na underpass na inyong nilagyan ng elevator ay binabaha tuwing malakas ang ulan.


Hindi kaya masira kaagad ‘yung elevator, Mayor BISTEK? At kapag nasira, natural, hindi na pakikinabangan, paano na kaya ang P31.5-milyon na buwis ng mga taga-KYUSI?


Gagawa uli ng bagong P31.5-milyon?


Nakatatakot isipin na baka kapag natapos ang inyong termino bilang KYUSI Mayor ay mas mayaman pa sa inyo ang “malapit sa inyong puso na pribadong kontraktor.” Hindi masama ang kumita. Pero masama ang sobrang pagkita – isang kasakiman iyan ng isang kontraktor, Mayor.


Kaya naman sa bawat kanto’t sulok ng lungsod QC, usapan na ang 2016 election. Alam mo ba, Mayor Bistek, na malaking isyu ang inyong “elevator projects” sa darating na halalan? Amuyin ninyo.


Ilan pa ba ang nakahilera na PWD elevator sa inyong mesa? Saan-saan ilalagay ang mga ito? Pwede bang magpalagay ng PWD elevator papuntang langit para malubos na ang inyong makabayang serbisyo? BALETODO/ED VERZOLA


.. Continue: Remate.ph (source)



QC PWD ELEVATOR, P31.5M


No comments:

Post a Comment