KAMAKAILAN ay naging usap-usapan sa social media ang patakarang pinaiiral sa Icon Residences sa loob ng Bonifacio Global City na kung saan ipinagbabawal sa mga kasambahay, driver at utusan ang paggamit sa kanilang lobby elevator.
Ito’y matapos kumalat din sa social media ang ginagawa ng mga bobong sekyu ng BGC na ultimo paggamit ng on-board camera sa sasakyan ay ipinagbabawal.
Ang mga pangyayaring ito ay nakababahala dahil tila sinasagad na ng mga namamahala ng BGC ang kanilang ginagawang paghahari-harian at pambabastos sa ating mga mamamayan.
Sa tingin ata ng mga kumag na ito ay mas makapangyarihan na ang kanilang mga kagaguhang patakaran sa mga batas ng ating bayan.
Anong akala ng mga taga-BGC? Mayroon na bang Republic of BGC at maaari na silang gumawa ng mga sariling patakaran kahit labag ito sa ating mga umiiral na batas?
Malinaw na may paglabag sa ating Saligang Batas itong patakaran sa loob ng Icon Residences.
Ang matindi nito ay ipinagpipilitan pa ng malditang property manager ng naturang condominium na si Katherine Garrido na walang masama sa kanilang patakaran.
“There’s no issue. It’s not for the world. It’s just for the building. It has been a policy ever since the building was created. It’s hard to please everyone, but this is just how the world is,” paliwanag pa ni Garrido.
Hay naku ang kapal din naman ng gilagid ng malditang ito.
‘Yan ang problema sa ilan nating kababayan na nakapag-aral lang at natutong mag-Ingles, eh, akala mo’y sila na ang hari at reyna kapag umasta. Nabigyan lang ng katiting na kapangyarihan at teritoryo ay saksakan na agad ang kayabangan nila.
Una ay dapat sigurong malaman nitong si Garrido na ang pagkakaroon ng pantay-pantay na karapatan sa isang bagay, lugar or paniniwala ay isang uri ng karapatang pantao na ginagarantiyahan ng ating Saligang Batas.
Kahit pa sinasabi ni Garrido na isang “private property” ang condominium na pinaglilingkuran niya bilang utusan lang din ay hindi ito maaaring magpatupad ng mga patakaran na natatapakan ang karapatan ng isang tao, katulong man ‘yan o karpintero.
Kailangan sigurong ipagsiksikan sa kukote nitong si Garrido na kailanman, hindi maaaring maging mas makapangyarihan ang mga patakarang gawa niya at ng kanyang mga kasamahan sa Icon Residences sa mga itinatakda ng ating Saligang Batas.
Kung ang amoy at bihis ng mga kasambahay at driver ang kanilang inaalala, hindi naman masama kung magtakda sila ng dress code kapag gumagamit ng elevator sa halip na ituring silang parang may mga nakahahawang sakit.
* * *
Para sa inyong komento at suhestyon, mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com. BIGWAS/GIL BUGAOISAN
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment