PAUMANHIN o “Letter of Apology” ang ipinadala ng Philippine Navy kaugnay ng hindi magandang karanasan natin at marami pang iba sa “convoy” ng Navy at Philippine Marines kamakailan sa kahabaan ng SCTex papasok ng Subic Bay Freeport.
Ito Ang Totoo: ayon kay LCdr. Marineth R. Domingo, director ng Naval Public Affairs Office (NPAO), ang Navy sa ilalim ni Vice Admiral Jesus C. Millan, flag officer in command, ay nagpapasalamat sa isinulat natin dito sa ating kolum na nagpaabot sa kanilang atensyon ng insidente.
Magsasagawa aniya ng kaukulang hakbang ng pagtutuwid, indoktrinasyon at “briefings” kaugnay ng inasal ng ilang Navy at Marine personnel na pinuna nga natin.
Naniniwala naman tayo, gaya ng sinabi natin sa artikulo, na ang inasal ng iilan sa naturang “convoy” ay hindi sumasalamin sa pangkalatan ng Ph Navy at Marines.
Gayunman, marapat rin na ito ay hindi palampasin upang hindi naman makasira sa napakalaki nang pagsulong ng ating Navy at Marines bilang mga indibidwal at organisasyon.
Samantala, ang Ph Navy ay ginawaran ng “Family Values Award” ng The Church of Jesus Christ of Latter-Day Saints nitong nakaraang linggo dahil sa mga programa at panuntunan nitong nagbibigay-halaga sa pamilya.
Ito’y pagpapakita na ang hanay ng Ph Navy at Marines at bilang organisasyon, ay tunay na sumusulong. Mabuhay po kayo!
***
Matutuloy na ang expansion ng SM Mall sa Olongapo na mainit na isyu dahil sa bukod sa tatamaan nito ang Kolehiyo ng Lungsod, may parke – ang Marikit Park, na ayaw ng marami na mawala bilang pasyalan at dausan ng mga aktibidad ng mamamayan.
Ito Ang Totoo: nilinaw naman ni Olongapo Mayor Rolen C. Paulino na hindi na niya ito tinututulan dahil may P200M gusaling itatayo ang SM sa East Tapinac bilang kapalit ng kolehiyo at ang Marikit Park naman ay hindi masasama sa sasakupin ng Mall.
Meron pa aniyang bagong tulay na itatayo na tatawid sa Kalaklan River na magpapaluwag sa daloy ng trapiko at lilinisin at imamantine rin ng SM ang ilog sa gilid ng Marikit Park.
Maganda naman kung tutuusin. Bantayan na lang natin kung ang mga bagay na ito ay lahat tutuparin. Ito Ang Totoo! ITO ANG TOTOO/VIC VIZCOCHO, JR.
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment