NASA 300 pahina ang ERRATA o wrong mistake raw ang nagawa ng Department of Budget and Management ng pork barrel scam professor ni Janet Lim-Napoles na si Secretary Butch Abad. Ang “errata” ay paghingi pa ni Abad ng karagdagang pondong nasyunal para sa 2015, P1.635-trilyon!
Aba naman, Professor Butch, saan mo ba dadalhin ang pera ni Juan at Maria dela Cruz?
Halos pasado na sa Kongreso ang inyong hiningi na pondo, humirit ka pa uli ng P23-bilyon para naman sa mga biktima ng bagyong Yolanda at rehabilitasyon ng LRT 1 at LRT 2. Ano na naman ang kasunod na hinihingi mo?
Walang duda, naghahanap ng malaking karagdagan na pondo ang Malacañang hindi para talaga sa proyektong pambansa at pang-mamamayan kundi sa mga kwestyunableng programa nila.
Bakit nga hindi? Aba, patapos na ang termino ng kanilang big boss na si Pangulong Benigno Aquino 3rd, hanggang ngayon, wala siyang maipagmamalaki na “major infrastructure project” man lamang. ‘Yung maingay na Public Private Partnership Program (PPPP) ni Aquino ay hanggang sa balita lamang!
Masakit pa sa PPPP, nagrerebelde na ang mga sangkot na lehitimong negosyante-kontraktor dahil tapos na ang bidding and awarding of projects, mismong si Pangulong Aquino pa ang nagkakansela katulad ng Calamba-Laguna Expressway o CALAX.
Humihirit pa uli ang Malacañang para raw sa paggawa pa ng isang expressway sa paligid ng Laguna de Bay patungong Laguna-Quezon-Batangas hanggang Bicol. Halos P200-bilyon ang sinasabi nilang pondo. Ngayon pa na papatapos na ang termino na alam naman nilang hindi matatapos sa loob ng kanilang panahon.
Nakadududa! Halos lahat ng ahensiya ng gobyerno sa rehimen ni PNOY ay tila nagmamadali ngayon sa paghingi ng bilyon-bilyong halaga ng proyekto. Walang masama roon. Kaya lang, unang araw pa lang nila sa Malacañang ay puro na sila kayabangan sa mga gagawin na proyekto, “exit time” na hirit pa rin ng pera!
Matindi rin ang kita ng mga PR o public relations pipol ngayon. Katulad lang ng kay Agriculture Secretary Proceso Alacala na pinipilit ipasok sa isip ng taumbayan na naitaas daw niya ang produksyon ng agrikultura lalo na sa bigas! Hindi ba kayo nahihiya sa sinasabi ninyo, Mr. Alcala?
Ganyan din sa DOTC, BOC, DPWH at halos lahat na ahensya ng gobyerno, unahan sa hirit-kita.
Pero huwag ka, ‘yung hirit na dagdag suweldo o kompensasyon ng mga manggagagawa nila, nganga!
O, Pasko na naman. Tig-ilang milyon kaya uli ang bonus ng mga opisyal ng ahensya ng gobyerno tulad ng GSIS, SSS, MWSS, DPWH, BOC, GOCCs at marami pa na magiging multi-milyonaryong tauhan ni PNOY? BALETODO/ED VERZOLA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment