Monday, November 24, 2014

MAGTRABAHO NAMAN SA KONGRESO

WALANG dudang bumalik na ang bangis sa ring ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao.


Anim na beses niyang pinagulong sa lona ang Amerikanong si Chris Algieri.


Bagama’t hindi nangyari ang inaasam ng fans na i-knockout ang kalaban, napakaimpresibo pa rin naman ng kanyang panalo


Yehey! Palakpakan!


***


Sabi ng mga boxing analyst, wala nang makatatapat sa husay ni Manny, maliban kay undefeated Floyd Mayweather, Jr.


Si Floyd ang kasalukuyang pound-for-pound king na rati ring inokupa ni Pacman.


Pero itong si Floyd ay pulos satsat, pulos iwas sa gusto ng boxing fans na labanan na si Pacquiao.


Ang estilo ng dalawa ang bagay na bagay umanong magkatapat sa ibabaw ng ring.


Si Floyd bilang “master” ng bilis at ilag at si Pacquiao na napakabilis din at napakalakas sumuntok.


***


Nang matalo via split ni Tim Bradley at mapatulog ni Juan Manuel Marquez, maraming nagsabi na malabo nang matuloy ang Pacquiao-Mayweather.


Pero matapos makapaghiganti kay Bradley at bawiin ang WBO welterweight belt, bugbugin ang mas matatangkad na sina Brandos Rios at Chris Algieri, bumalik na raw ang dating bangis ng fighting congressman.


Magaling! Magaling! Palakpakan natin uli.


***


Balik na sa bansa si Pacquiao.


Sige, pagpahingahin muna natin.


Ipa-enjoy muna natin sa kanya ang natamasang karangalan.


Pero sana matapos makapahinga nang maayos ay magbalik na sa kanyang trabaho si Pacman bilang kinatawan ng Sarangani sa Kamara.


***


Ikalawang termino na ni Manny bilang kongresman ngunit wala pa rin daw siya kahit isang batas na naipapasa.


Inuunawa siya ng mga kasamahan sa Kongreso sa hindi pagdalo sa mga sesyon dahil kailangan niyang mag-ensayo at maipanalo ang mga laban para sa karangalan ng bansa.


Pero ngayong tapos na ang boksing, magtrabaho naman siya bilang kongresista.


Kinakabahan ang mga mambabatas na baka matapos makapahinga, itutok naman ni Manny ang sarili sa Philippine Basketball Association bilang coach at basketbolista.


Kapag nangyari ‘yan, wala nang magiging katuturan ang kanyang papel sa Kamara.


Sa susunod na eleksyon, ‘wag na siyang tumakbo. KANTO’T SULOK/NATS TABOY


.. Continue: Remate.ph (source)



MAGTRABAHO NAMAN SA KONGRESO


No comments:

Post a Comment