TUTOL si Valenzuela City 1st District Congressman Sherwin “Win” Gatchalian sa plano ng ilang kongresista na magsampa ng impeachment complaint sa Mababang Kapulungan ng Kongreso laban kay Vice-President Jejomar Binay.
Ayon kay Gatchalian, sa halip na impeachment ay nararapat na mas tutukan ng Kongreso kung paano paaangatin ang ekonomiya ng bansa sa mabusising pagtalakay sa 2015 national budget.
Aniya, mas makabubuting unahin ang pagtutok sa budget ng bansa sa susunod na taon dahil dito nakasalalay ang pagsulong ng ekonomiya na magpapaganda sa kabuhayan ng bawat Filipino.
Si Gatchalian na kasapi ng Nationalist Peoples Coalition at isa sa 50 miyembro ng naturang partido sa Kamara ay nagsabi pa na gagamitin nila ang kanilang puwersa upang mapigilan ang planong impeachment laban kay Binay.
Sinabi pa niyang hindi rin basehan sa pagsasampa ng kasong impeachment laban kay Binay ang ginagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee dahil hindi pa naman napatutunayan ang mga alegasyon sa Vice-President.
Bago kasi maisulong ang isang impeachment complaint laban sa isang opisyal ng gobyerno, kinakailangang lumagda ang katlo ng mga miyembro ng Kamara kaya’t mauubos lang ang panahon ng mga mambabatas sakaling may gustong magsulong nito.
Sabi naman ni NPC Secretary General Rep. Mark Llandro Mendoza (4th District, Batangas), maraming oras ang masasayang sa Kamara ‘pag isinulong ang impeachment laban kay Binay.
Tama lamang na unahin ng mga mambabatas ang pagtalakay sa 2015 national budget dahil dito nakasalalay ang pag-angat ng ating ekonomiya at hindi kung ano-anong plano ang kanilang gustong gawin para lamang maisulong ang kanilang “political agenda”.
MAAGANG PASKO SA MUNTINLUPA CITY
Noong nakalipas na Nobyembre 17 ay sinindihan na ang pinakaaabangang Christmas Tree sa Muntinlupa City Hall na sinaksihan nina Mayor Jaime Fresnedi, Vice-Mayor Artemio Simundac, Congressman Rodolfo Biazon at iba pang halal na opisyal ng lungsod.
Sumaksi rin sa pagdiriwang ang mga empleyado ng city hall at residente na sabik na makita ang pag-ilaw ng 30-feet Christmas Tree.
Namahagi rin ng mga candy sa mga sumaksi sa ginanap na pagdiriwang sina Muntinlupa First Lady Lou Fresnedi at apong si Neo na idinaos sa city hall quadrangle habang naglagay na rin sa buong lungsod ng mga naggagandahang palamuti para sa Kapaskuhan.
Kapansin-pansin ngayon ang patuloy na pagganda ng Muntinlupa City dahil na rin sa sipag na ipinakikita ni Mayor Fresnedi kaya’t masuwerte ang kanyang mga constituent dahil desidido ang alkalde na mapaunlad pang lalo ang kanilang siyudad. Mabuhay ka, Mayor Fresnedi. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment