MUKHANG inuunggoy na talaga tayo ng mga taga-Kongreso at ng Malakanyang.
Palagian nating naririnig sa ngayon na wala na raw PDAF ang mga kongresista sa 2015 budget na umaabot sa P2.6-trilyon.
Ang tanong tuloy ngayon ng karamihan sa mga political observer ay totoo kayang wala nang pork barrel ang ating mga mambabatas at paano ito napapayag na tanggalin ito?
Alam nating lahat na ang buhay ng isang mambabatas, maging ito man ay miyembro ng Kamara o Senado, ay ang pork barrel kaya labis ang pagtataka ng karamihan kung totoo na nga bang wala na ito.
Sa ating pagkakaalam, itinago lamang ang pork barrel ng mga mambabatas sa mga departamento ng pamahalaan at dito mayroon silang karapatang sabihin kung saan ito gagastusin at sino ang makikinabang dito.
Maging ang mga kontratista at suplayer ay sila pa rin ang pipili dahil buo na ang internal arraignment sa pagitan ng mga lider ng Kongreso at Malakanyang.
Napag-alaman nating lumaki pang lalo ang pork barrel ng mga miyembro ng Kamara mula sa dating P75-milyon kada mambabatas ay naging P85-milyon na raw ito.
Maging ang mga senador ay lumaki rin daw ang pork at ito ang dapat nating alamin dahil ang nakalululang P2.6-trilyong pondo na hinihingi ni PNoy sa 2015 ay lubhang nakababahala lalo’t alam naman nating maraming nakatago rito.
Sa ating pagkakaalam, mahigit sa P500-bilyon ang lump sum appropriations na tinawag sa 2015 budget na Special Purpose Fund.
Ito ang lubhang nakatatakot dahil posibleng pag-ugatan muli ang naturang pondo ng malakihang korapsyon.
Dapat na sigurong tanggalin sa sistema ng budgeting ang lump sum appropriation dahil ito ang ugat ng pagiging flexible ng gumagastos sa kurakutan sa gobyerno.
Syempre kapag hindi identified ang proyekto dahil nga lagom o lump sum ang pondo ay tiyak na pwedeng paglaruan ito ng mga manipulador sa pamahalaan.
‘Yan ang dapat bantayan ng mamamayan dahil hindi na talaga katiwa-tiwala pa ang mga mambabatas para suriin at himayin ang 2015 pondo dahil sila mismo ay benepisyaryo ng sangkatutak na pondo.
o0o
Bilib talaga tayo sa malasakit ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi sa kanyang mga kababayan.
Naglaan kasi ito kaagad ng P36 milyon para sa imprastrakturang nasira ng bagyong si Glenda.
Hinati-hati ang naturang pondo para sa pagpapa-repair ng mga silid-aralan, day care centers, sports complex, pailaw sa kalye at ng city technical institute.
Daglian ang naging aksyon ni Fresnedi sa naturang problema kaya naman matatag ang taga-Muntinlupa dahil nagkaroon sila ng alkaldeng may magaling na management skills at may puso sa mamamayan. ALINGAWANGAW/Alvin Feliciano
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment