SABIT kaliwa’t kanan si Pangulong Benigno Aquino 3rd (BSA3) sa usapin ng pera ng bayan. Mga pera na nilustay hindi sa programang pangkaunlaran kundi sa mga politikong gahaman – sa PDAF at DAP!
Sa huling pahayag ni pork barrel scam teacher Butch Abad sa harap ng mga negosyante’t kaalyado sa pulitika, wala na raw ang pork barrel sa 2015 budget. Tell that to the Marines. teacher Butch!
Ipupusta ko ang Hacienda Luisita kung totoo na wala nang pork barrel budget sa 2015. Ukinnana. Kapag nangyari iyan, meron pa kayang mauupo para magtrabaho sa Kongreso? Huwag ninyong gaguhin ang taumbayan!
Patatalsikin, este, patapos na ang inyong termino sa MalacaƱang, puro pa rin kayong pambobola at panlalansi. Kaya nga nagbuhos ng todo-kapital ang mga politiko ay dahil sa laki ng tubo nila pag-upo.
Sa pork barrel pa lamang, tubong lugaw na. Isama ang buwanang sahod (kuno), mga allowance at lalo na ‘yung extra-income bilang chairman, vice chairman at members ng iba’t ibang komite, sargo ang balik kita!
Sa ganyang postura ng badyet, malinaw na walang balak maglingkod ang mga politiko kundi kumita, at magnakaw lang sa kaban. Natural itatanggi nila sa palusot na “hindi nila nahahawakan” ang pondo ng pork barrel.
O sige, maniwala tayo. Pero mas kapani-paniwala kung lubusan na PUPUTULAN NG KAMAY ANG KONGRESO, mga senador at kongresman, na makikialam sa pondo.
Mali na sabihin nila kung saan sila kukuha ng pantulong sa kanilang kadistrito o constituents. Para saan ang mga ahensya ng gobyerno na nakatutok sa bawat sektor ng ating lipunan?
Mga imprastraktura, DPWH iyan. Mga maysakit, DOH iyan. Mga iskolar, Deped o TESDA naman. Mga magsasaka, mangingisda at kauring sektor, DA-NFA-DENR-BFAR at DAR ang mananagot sa kanila. Kaya ano ang batayan na makisawsaw ang Kongreso sa pondong panserbisyo sa mamamayan?
Kapag naputol ang daloy ng pork barrel sa Kongreso, walang duda, hindi lang sapat kundi sobra-sobra ang pera para sa mga programa ng pagpapaunlad sa buhay ng bawat tao at bayan.
‘Yung sinasabi ng mga mambabatas na proyekto nila mula sa pork barrel, mas lutang na sa kanila napunta iyon. Tingnan ang kanilang mga bagong naglalakihan na bahay, mamahaling mga sasakyan, pondo sa mga banko at pagbiyahe nang madalas sa labas ng bansa.
Noong wala sila sa Kongreso, nakikisakay, nakikiinom ng kape at nanghihingi lang pati ng pamasahe! BSA3? BALETODO/Ed Verzola
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment