NOONG Lunes ay naranasan ng mga taga-Metro Manila ang matinding trapik kahit saang kalsada, partikular na ang mga main road at malalapad na highway.
Isa sa itinuturong dahilan ng matinding trapik ay ang mga kolorum na bus at truck na pinayagang bumiyahe ng LTFRB sa Metro Manila.
Marami sa ating kababayan ang nagmumura habang sila’y nasa biyahe dahil hindi gumagalaw ang kanilang sasakyan ng halos apat na oras lalo na ‘yung mga nasa C-5 Road.
Ito ay dahil sa malakas na buhos ng ulan na sanhi ng pagbaha sa ilang lugar at sa dami ng mga bumibiyaheng mga kolorum na truck at bus.
Ayon sa ilan nating kababayan, ito na raw ang pinakamatinding trapik na kanilang naranasan dito sa Metro Manila.
Bakit nga ba pinayagan ng LTFRB na bumiyahe ang mga kolorum na truck at bus sa Metro Manila at ano ang naging cash-unduan dito?
Noong nakalipas na dalawang buwan ay nanghuli nang nanghuli ang LTFRB ng mga kolorum na bus at truck pero bakit biglang nabago ang ihip ng hangin at biglang pinayagan ni LTFRB Chief, Atty. Winston Ginez, na bumiyahe ang mga kolorum na sasakyan.
Sinasabing bago payagang bumiyahe ang mga kolorum na sasakyan ay nakipagkita ang bagman ng isang opisyal ng LTFRB sa sindikato ng mga kolorum na track at bus na may dalang daffle bag sa isang exclusive restaurant dito sa Quezon City .
Hmmmmmm, may naamoy akong hindi maganda sa meeting na iyon ng mga sindikato ng mga kolorum na truck at bus at ng bagman ng nasabing LTFRB official, dahil noong lumabas ang mga ito sa nasabing restaurant ay ang bagman na ng LTFRB ang may dala ng daffle bag.
Sarap naman, walang kahirap-hirap na nakukuha ng LTFRB official ang malaking halaga ng pera. ‘Yan ang Tuwid na Daan ni Pangulong Noynoy.
Makalipas ang ilang araw matapos ang pagtatagpong iyon ay biglang pinayagan ng LTFRB na bumiyahe ang mga kolorum na sasakyan kaya napuno ang mga pangunahing lansangan sa Metro Manila ng mga kolorum na truck at bus.
Para sa ating mga kababayan na taga-Metro Manila, hangga’t pinapayagan ng LTFRB na bumiyahe ang mga kolorum na truck at bus ay asahan na po natin ang matinding pagsisikip ng trapiko, lalo na kapag umuulan.
***
Bukas po ang Lily’s Files para sa inyong mga reklamo, suhestyon at komento, mag-text lang po sa 09087230036 o 09156588600. LILY’S FILES/Lily Reyes
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment