TILA isang bangungot ang naganap na sunog na tuluyang tumupok sa tahanang aking itinayo sa pamamagitan ng napakatagal na pagtitiyaga at pagsisikap.
Paulit-ulit kong kinukurot ang aking sarili sa pag-aakalang mababago pa ang kapalarang humambalos sa aming buhay.
Hindi pa man pumuputok ang araw at kahit walang tulog ay agad kong inisa-isa ang aming mga gamit na aking naisalba.
Muli kong naalala ang aking camera bag na naglalaman ng aking pinakaingat-ingatang camera at noon ko napagtanto na dinekwat nga ito.
Ngunit paano mangyayari ito samantalang noong kasagsagan ng sunog ay walang maaaring makapasok sa compound maliban sa mga bumbero?
Naalala ko na noong aking ilabas ang camera bag ay wala na itong laman kaya tiyak na ninakaw ito habang nasusunog pa ang aming bahay at bago pa man ako makapasok upang makapaglabas ng ilang mga gamit.
Naisip ko na camera lang ito at ang mahalaga ay ligtas ang aking pamilya.
Maliban sa aking pinakamamahal na asong si Poochie na isang crossbreed ng Chow-chow at Japanese Spitz na namatay matapos itong mabagsakan ng mabigat na kahoy ay walang nasaktan sa amin.
Unti-unti ay tuluyan ko na ring natanggap na totoo at hindi isang masamang panaginip ang sunog na bumigwas sa aming buhay.
Gaya namin, ay nagsimula na ring maglimas ng kung anong maaari pang pakinabangan ang aming kapitbahay na siyang pinasimulan ng sunog.
Dito ay napag-alaman ko na bagama’t nakita nila ang kanilang mga passbook sa bangko na wala namang kahit anong palatandaan na ang mga ito ay dinilaan man lang ng apoy, nawawala naman ang P25,000 na nakaipit sa mga ito.
Sa silid ng aking anak ay pinilit kong halukayin sa ilalim ng mga nauling na kahoy at papel ang kanyang folder at nakita ko naman ito.
Buong-buo pa ito at maliban sa pagiging basa nito ay nakaligtas ito sa sunog.
Ang hindi nakaligtas ay ang may P5,000 na itinago ng aking anak sa naturang folder bilang savings.
Ano ‘yun? Naglakad palabas ng folder ang kanyang pera kaya naglaho ang mga ito?
Ayaw kong pag-isipan ng masama ang ating mga bumbero dahil bilang isang dating police reporter ay batid ko ang kanilang matinding sakripisyo tuwing may sunog.
Sa bawat sunog na kanilang nirerespondehan ay alam ko ang panganib na palaging nag-aabang sa ating mga bayaning bumbero.
Ibinubuwis nila ang kanilang buhay upang pagsilbihan ang ating mga mamamayan.
Ngunit bakit ganoon?
Bakit may ilan pa rin sa kanila na sa halip na itodo ang pagtulong ay nagagawa pa ng mga ito na manamantala sa mga gaya naming halos masiraan na ng bait dahil nilamon lamang ng apoy ang aming mga pinaghirapan?
Subsob na nga kami ay lalo pa kaming tatapakan sa ulo upang lalong malugmok?
****
Para sa inyong mga sumbong tungkol sa mga mali sa lipunan at mga tiwaling lingkod-bayan, mga komento at suhestyon at mag e-mail lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com. BIGWAS/GIL BUGAOISAN
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment