“ONLY by becoming poor ourselves, by stripping away our complacency, we will be able to identify the least of our brothers and sisters” ‘Yan ang isa sa mensahe sa atin ni Pope Francis noong Enero, 16, 2015 sa kayang naging homily sa Manila Cathedral na dinaluhan ng milyon-milyong Pilipino.
Sa Papal visit ay marami ang nabigyan ng pag-asa, lalo na ng inspirasyon. Subalit paano nga ba natin maipakikita ang ‘mercy and compassion’ na tinutukoy ng Santo Papa sa kanyang mensahe?
Sa Hawaii, nakilala ko ang Pilipinong doctor na si Dr. Villafuerte sa kanyang munting paraan: pagtulong at pagbabahagi sa kapwa ng tinatamasang tagumpay.
Ipinanganak at lumaki sa Pilipinas si Dr. Villafuerte. Tubong Ilocos Norte ang kanyang ina at taga-Davao City naman ang kanyang ama.
Hindi nagmula sa isang mariwasang angkan si Dr. Villafuerte, average wage earner lang ang kanyang ama, pero dahil sa bata pa lang ay kinakitaan na ng katalinuhan, dedikasyon at pangarap, ay pinag-aral at sinuportahan ng kanyang tiya na nagtatarabaho sa Amerika ang pag-aaral niya.
Sa University of Sto. Tomas siya nag-pre-med samantalang sa Far Eastern University naman niya itinuloy ang pagkuha ng medisina, hanggang sa maging isang ganap na doktor.
Taong 1977 ay nakapag-asawa siya ng isang US citizen, na siya ring naging daan upang makarating siya sa Hawaii, kung saan ay muli siyang sumailalim sa mga pagsasanay at pag-aaral upang maipagpatuloy ang pagpa-practice niya ng medisina.
Hindi nagtagal dahil na rin sa pagtitiyaga ay kinilala siya bilang isang ganap na doctor doon.
Sa kabila ng tagumpay na kanyang tinatamasa ay hindi kailanman nalimot ni Dr. Villafuerte ang kahalagahan ng edukasyon at ang papel na ginampanan nito upang marating niya ang kinalalagyan niya ngayon, kaya maging ang mga anak niya ay iminulat niya rito.
Hindi rin siya kailanman nakalimot sa kanyang pinagmulan, naging adhikain na niya ang pagtulong sa kapwa.
Kaya bukod sa pagiging isang doktor sa Hawaii ay naging abala rin siya sa pakikibahagi sa ilang organisasyon doon gaya ng Oahu Philippine Community Council at ilan pang Filipino organizations na malaki ang itinutulong hindi lamang sa komunidad doon kundi maging sa ilang kababayan natin na narito sa Pilipinas.
Para kay Dr. Villafuerte, ang kanyang ginagawa ay pasasalamat lamang niya sa Maykapal para sa lahat ng biyaya na ipinagkaloob sa kanya- “To be successful is not only for yourself, it has to be expanded to the people around you- and that’s the community.” Pagtatapos na pahayag niya.
******
Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan overseas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa PTV-4 tuwing Linggo 10:30 ng gabi. Bisitahin ang Facebook fan page: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT. PASAPORTE/JR LANGIT
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment