KINUWESTYON ng minorya sa Senado ang proseso ng pagpapatibay ng Senate blue ribbon committee ng contempt order laban sa kampo ni Makati City Mayor Junjun Binay dahilan para ipagpaliban ang pagpapaaresto sa alkalde.
Sa sesyon ng Senado nitong Lunes, kinuwestyon ni acting Senate minority leader Tito Sotto ang contempt order ng lupon ni Sen. Teofisto Guingona III sa pagsasabing bakit tatlong miyembro lamang ang dumalo at nagpasya sa detention order sa halip na mayorya ng lahat ng miyembro ng komite.
Ayon sa solon, dahil maglalabas ng kapasyahan ng committee dapat mayorya ang magpapasya taliwas sa ginawa ni Guingona.
Aniya, ang sinunod ni Guingona na “chairman plus one member” ay maari lamang gawin sa mga legislative hearings at hindi sa committee meetings tulad ng pagpapalabas ng contempt order.
Maliban dito, tinukoy pa ni Sotto ang rules na maari pang baliktarin ng mayorya ng miyembro ng komite ang contempt order sa loob ng pitong araw.
Dahil dito, ipinag-utos ni Senate President Franklin Drilon na i-refer sa committee on rules ang isyu para resolbahin ang isyu, habang hold-in abeyance ang detention order.
Sinabi naman ni Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano, chairman ng committee on rules, ipinag-utos na nila sa Senate sergeant at arms na i-monitor si Mayor Binay at mga kasamahan.
Samantala, naging emotional naman si Sen. Nancy Binay sa pagpapaaresto sa kanyang kapatid sa pagsasabing hindi makatarungan ang ginawa ng komite ni Guingona.
Naawa daw kasi senadora sa apat na anak ng kapatid na mahihiwalay sa kanilaang ama lalo’t kamakailan lamang ay sumakabilang-buhay ang misis ng alkalde.
Si Nancy raw muna ang aatupag sa kanyang mga pamangkin sakaling tuluyang makulong sa Senado ang kanyang kapatid.
Kasabay nito ay kinuwestyon ng senadora ang naging kapasyahan ng Senate blue ribbon committee na pinamumunuan ni Sen. Teofisto Guingona III sa pagsasabing bakit tatlong miyembro lamang ang nagpasya na ipaaresto ang kanyang kapatid at hindi ang mayorya ng miyembro ng lupon.
Pag-aaralan daw ng kanilang mga abogado ang legal action sa contempt order ng kapulungan. LINDA BOHOL
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment