PAGKAKATAON. Oportunidad. Iyan ang oras ng pagdalaw ni Kabunyian Pope Francis nang dalawin niya tayo kamakailan.
Pagkakataon na muli tayong makasulyap ng lider ng simbahang Katolika. Nagbigay ng bagong karanasan ng pagkabanal katapat ang maraming hiling sa Poong Maykapal sa pamamagitan ng Santo Papa.
Mula sa mga maysakit, may karamdaman, maralita, gutom, walang pinag-aralan may kakulangan sa buhay ay humingi ng panalangin bilang pagkakataon – ipanalangin silang lahat na mabiyayaan ng Panginoon sa pamamagitan ni Lolo Kiko.
Alam naman natin sa ugit ng kasaysayan, hindi tayo taal na mga Kristiyanong Katoliko. Natutunan lang natin ang ganitong pananampalataya mula sa kolonyalismong Kastila. Hinawi nila ang malayang pagsamba at itinali tayo sa krus nila.
Pero sabi nga sa ating panahon ngayon, tanggap na natin na tayong mga Filipino ay lulong na sa Kristiyanismo.
Bagaman, marami sa mga lider ng Katolisismo ay iniba ang bersyon ng pananampalataya at nagtayo sila ng kani-kanilang imperyo!
Oportunidad naman ito sa maraming sektor. Una na ang mga politiko natin na nag-anyong mga maamong kordero.
Animo, sila yaong mga tupa na halos magmukhang santo. Ang matigas nilang mga mukha, nakupo, tila mga walang kasalanan na pinaggagagawa!
Oportunidad. Nagbilin si Santo Papa Francis na huwag siya ang tingnan bagkus, bilang instrumento lamang ng Panginoon. Ibig-sabihin, ilarawan ang Diyos pero hindi ginawa ng karamihan. Para tuloy mas sikat si Lolo Kiko kaysa kay Hesukristo?
Pero ang punto ay ang oportunidad ng maraming negosyante. Pati nga ang simbahan ay rumaket ng husto sa dami ng ibinenta na T-shirt, pin, baller, rosary at mga kauring produkto.
Nagbigay-oportunidad din ito sa mga may pera at may kaya na magbuhos ng kapital. Kanya-kanyang gimik. Kanya-kanyang produkto na nakaangkla sa pagbisita ni Santo Papa.
Marami ang kumita. Marami ang nakinabang pero normal lang nga iyon sa buhay natin. Ang pagsasamantala sa bawat dumarating na pagkakataon at oportunidad. Hindi nga naman kasalanan iyon.
Sa panig ng liderato ng gobyerno, kahit papaano ay may nagawa silang maganda. Naisaayos nila ang mga lugar na pinuntahan at dinaanan ni Santo Papa. Sana, gawin na itong regular hanggang matapos ang termino nila.
Ang taumbayan, yaong mga naghintay na makita at sumalubong kay Santo Papa at nagpakita ng napakagandang DISIPLINA. Sana, panatilihin na nila ito at gawin sa pang-araw-araw na praktika sa buhay.
Sana, kahit papaano, nakita natin lahat ang mga ito. Simpleng marangal. Nakita at may kumita. BALETODO/ED VERZOLA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment