AYAW ni Pangulong Benigno Aquino 3rd (BSA3) ma mapulaan, mapuna o mahambalos ng kritisismo. Sabi niya, “Wala na bang nakikita ang mga kritiko niya sa kanyang gawain na matino at maayos lalo na kontra korapsyon?”
Mr. President, tanong lang. Ano ba ang mga batayan mo ng iyong reaksyon sa mga batikos laban sa iyo?
Walang kritisismo kung tama ang nangyayari. Walang pagpuna kung ang gawa mo ay matuwid. Tama?
Ito lang huli sa pagdalaw ni Pope Francis, ginulo mo ang pansitan nang manawagan ang Santo Papa na itigl, layuan ang korapsyon. Ano ang sagot mo?
Tameme ang simbahan sa korapsyon ng mga nagdaang administrasyon? Asintado ka naman sa pagbaril, bakit ang layo ng tama mo, Noy?
Kailanman ay hindi ka naging kawawa at ang pamilya mo noong panahon ng diktadurya. Paulit-ulit kong sasabihin sa iyo, mas marami at mas matindi ang pagdurusa ng mga ordinaryong mamamayan noong panahon ng martial law!
Katulad ngayon, ultimo ba naman ‘yung katiting na badyet ng mga pulis sa Papal visit, kinatkong pa ng tao mo? Sabagay, malutong na P42-milyon din pala ang naibulsa ng tao mo. Big time!
Umaalon din ang luha ng mga nakalistang benepisiaryo ng iyong DSWD CCT. Mas marami ang hindi nakatatanggap pero sa listahan ng iyong Dear Dinky, 100% ang nagawa na distribusyon?
Sabi na naman ng DOTC ninyo ni Jun Abaya, wala raw bidder sa MRT3? Ows naman kayo. Dahil diyan, auto-collect na naman ang inyong LP machinery cum contractor APT Global? Baka sumobra ang campaign fund ninyo sa 2016 election, ha? Madi-disqualify kayo ng Comelec niyan.
Ano na ang lagay ng Laguna Lake project ninyo para mawala ang baha? Halos lahat ng inyong planong proyekto ay nalagyan ninyo ng pondo pag-upo pa lang ninyo sa Malacañang. May natapos na ba kayo?
Hayan nga, eh. Manipis na ang kaso ni pork barrel queen Janet Lim. Naipakulong mo ang kalabang mga politiko. Papaano naman ‘yung mga kaalyado mo na tumanggap din ng PDAF at DAP na mas malaking hamak ang nakuha kaysa tatlong senador?
Nabura na ba lahat sila ni De Lima sa Napolist?
Araw-araw, nabubunyag ang iba’t ibang uri ng korapsyon sa iyong harapan. Walang takot ang mga tao mo dahil ikaw mismo ang kanilang spokesman at abogado pa kung minsan!
Mr. President, ayaw mo ng kritisismo. Ayaw mong mapuna. Mangyayari lang iyan kung puro tama ang iyong gagawin sa nalalabi mong panahon diyan sa Malacañang. But for now, walang kasinglala ang korapsyon sa iyong rehimen. Alam mo iyan! BALETODO/ED VERZOLA
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment