Monday, November 24, 2014

ANG PEKENG PACMAN AT ‘ALANG LIBRENG LIVE SHOW

NAGBUNYI ang buong bayan sa ipinakitang galing sa boksing ni idol Congressman Manny ‘Pacman’ Pacquiao.


Naging katatawanan ang sinabi ng trainer ni Chris Algieri na si Tim Lane na panahon na para matulog at magretiro sa boksing ang ating Pambansang Kamao.


Si Algieri pa nga ang muntik nang matulog nang mahimbing ng anim na beses sa 12 round na laban.


Mabuhay ka, Pacman.


‘DI NAGBUKAS


May ilang establishment ang hindi nagbukas nang may bayad para sa panonood kay Manny dahil umano sa pagdududa na hindi sila kikita.


Hindi na kasi umano kasing ganda gaya ng mga unang laban ang ipinakikita ni Pacman.


Dati-rati kasi, maaga pa lang ay agawan na nang puwesto ang mga suki nila para manood dahil pinupulbos ni Manny ang kanyang kalaban.


Kasabay nito ang maganang pag-o-order ng mga manonood ng kanilang mga paninda na pulutan, inumin at tapos na ang laban, eh, naroon pa rin na nagseselebreyt ang mga suki. Ang mga huling laban, simula nang makatulog siya sa tsambang suntok ni Manuel Marquez, ay palatandaan umano ng kawalan na ng ‘excitement’ sa kanyang pakikipaglaban.


WALANG LIBRE


Sa dumarating sa atin na mga balita, marami na palang lugar na dating nagbibigay ng libreng live na pelikula ni Pacman ang naging ‘maramot.’


‘Yun bang === sa mga malalaking munisipyo at lungsod, maaaring may dalawa o tatlo na lugar na libreng sinehan para sa mga mamamayan.


Hindi baleng ang mga kapitan, kagawad, barangay tanod at mga pamilya ng mga ito ang kauna-unahang nasa listahan para manood basta may puwesto pa sila at kahit nakatayo lang.


‘Yun pala, wala nang mga isponsor na politiko. Wala na raw kasing Priority Development Assistance Fund at wala na ring Disbursement Acceleration Program. Eh, malaki pala ang bayad: nasa P100,000 bawat lugar.


Ang PDAF at DAP ay pawang mga bahagi ng buwis ng mga mamamayan. Sa libreng panonood, ginigisa pala ng mga politiko ang mga mamamayan sa sariling mantika ng mga ito.


Hindi pala gumagastos ang mga politiko ng sarili nilang salapi para sa kasiyahan ng mga mamamayan at sa kanilang mga komisyon o kita sa PDAF at DAP nanggagaling ang pelikulang ‘libre’ at ipinapautang na loob sa mga mamamayan.


Hehehe!


BUGBOG-SARADO


Sa ilang lugar sa Bulacan, Nueva Ecija at Baguio, dahil sa kawalan na ng mga politikong isponsor sa libreng boksing ni Pacman, maraming traysikel driver ang nagtiyagang manood sa mga regular na palabas sa telebisyon.


Aydul na aydul kasi nila si Pacman kahit anong mangyari.


Pero may mga nawalan nang gana tuwing sisilip sila sa telebisyon sa pagitan ng kanilang mga biyahe. Bugbog-sarado si Manny?


Pero kahit bugbog-sarado si Manny at walang kalaban-laban, okey na rin umano dahil umabot naman siya sa 12 rounds na buhay at still standing. Hehehe. ‘Yun pala, anak ng tokwa, kamukha lang pala ni Manny ang napanood nila.


Nagtaka rin sila noong una kung bakit Chinese ang naging kalaban ni Manny at hindi isang Kano na si Algieri.


Ang nakapanghihinayang, ipinusta nila ang mga bawnderi at kita nila para kay Manny at sa kasagsagan ng laban, hindi nila alam kung paano sila bumawi kapag siningil na sila ng kanilang mga kapustahan. Hek-hek-hek!


REPLAY


Sa mga napeke sa laban ng Thailander na hindi nila mabigkas-bigkas ang pangalan, bumawi na lang sila sa panonood sa replay ng laban.


Nagkabalitaan kasi na panalo pala si Pacquiao. Hindi pala bugbog-sarado at walang kwenta ang kanilang aydul kundi ang kanyang kalaban na Kano.


Anak ng tokwa, naroon pa pala ang bangis ni Pacman. Kasarap pa ring panoorin ang pakikibaka sa ring ng ating sariling Lord of the Ring.


Oo si Manny ang Lord of the Ring natin, hindi ‘yung nasa Harry Potter na pelikula.


NASAAN SI MAYWEATHER?


Anak ng tokwa, hinahanap ngayon ng mga nabuhayan ng loob kay Manny si Floyd Mayweather. Dati-rati kasi, pagkatapos lang ng laban ni Manny, umeeksena agad itong si Mayweather.


Pero habang tinitipa natin ito, wala ni ho ni ha na reaksyon si Mayweather.


Matatandaang sinabi ni Pacman na “yes na yes” siya sa laban kay Mayweather kahit sa oras na katatapos lang ang labanang Pacquiao-Algieri.


BAWNDERI IPUPUSTA


Sabi ng mga tsuper ng traysikel, ipupusta nila ang kanilang mga bawnderi para sa kanilang mga operator at kita para kina misis sa labang Pacquiao-Mayweather.


Kahit walang libreng pelikula mula sa mga manggagantsong sina mayor, gob, senador at taga-Malakanyang.


Hehehe!


o0o

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate. ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA


.. Continue: Remate.ph (source)



ANG PEKENG PACMAN AT ‘ALANG LIBRENG LIVE SHOW


No comments:

Post a Comment