PATAY ang isang construction worker habang malubha namang sugatan ang dalawa nitong kasamahan matapos silang matabunan ng gumuhong lupa sa isang construction site sa Siudad Grande, Bakakeng, Baguio City.
Kinilala ang nasawing si James Baya, 39, may asawa, laborer, tubong Bacolod City , at residente ng San Luis Village, Baguio City.
Malubha naman sa Baguio General Hospital and Medical Center sina Joshua Tadeous Fabros, 17, walang asawa, laborer, tubong Sta. Maria, Pangasinan, ng Eagle Crest, Bakakeng, Baguio City; at si Ruben Tulio, 34, may asawa, karpintero, tubong Conception Tarlac, at stay-in worker sa naturang lugar.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad ng Station 10 ng Baguio City Police Office, nagbubungkal ng lupa ang mga biktima para sa pundasyon ng ginagawang bahay nang biglang gumuho ang lupa sa taas ng mga ito.
Agad namang nahukay ang mga biktima sa tulong ng mga pulis at naitakbo sa nasabing pagamutan.
Hindi na umabot pa nang buhay si Baya habang patuloy naman na inoobserbahan ang dalawa nitong kasamahan.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa naturang insidente. MARJORIE DACORO
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment