Wednesday, August 6, 2014

UNANG 2 KASO NI GORDON SA OMBUDSMAN

MAYOR ng kulungan o “baston mayor” sa halip na city mayor ang kahihinatnan ni dating Olongapo Mayor James “Bong” Gordon, Jr. kapag nagkataon.


Ito Ang Totoo: sa dalawang kaso pa lang na naisampa na sa Ombudsman kaugnay ng lumalabas na katiwalian niya, mahihirapan si Gordon na lusutan pa.


Ang unang kaso ay batay sa natuklasan ng Commission on Audit sa ilang unang buwan ng 2013 bago ang eleksyon na hindi maipaliwanag na pagbili ng “supplies and materials” ni Gordon sa halagang mahigit P30-milyon.


Kabilang dito ang halos P.5M halagang gatas at kape at 532 upuang plastic na nagkakahalaga ng nakagugulat na P750 bawat isa kaya umabot sa P399,000 pero hindi naman makita kung saan napunta.


Ang masaklap pa, kinuha ang pambili sa pinagbentahan ng lungsod sa shares nito sa Subicwater at natirang konti na nga lang sa Public Utilities Dept. o PUD.


Ayon sa COA, walang pertinenteng dokumento, resibo at “certificates of inspection and acceptance” ang naturang “purchases” ni Gordon kaya paniwala ni Mayor Rolen C. Paulino, “ghost purchases” ang mga ito.


Pangalawang kaso namang isinampa ng lungsod sa Ombudsman laban kay Gordon ay ang pagbenta nito sa halagang halos P14M ng mga lupang pag-aari ng Olongapo, anim na araw na lang bago siya bumaba sa puwesto matapos matalo sa eleksyon.


Anim na araw bago maupo bilang mayor si Paulino, ibinenta sa Olongapo Electric Distribution Company (OEDC) ng pababa na sa puwestong si Gordon sa halagang P3,424,000 ang 2,133 sqm. lote ng gobyerno sa Bgy. Mabayuan, ang P6,624,800 na 2,122 sqm. lote sa Bgy. Kalaklan, P2,584,000 na 1360 sqm. lote sa Transco compound sa Kalaklan din at P1,311,000 na 300 sqm. lote sa Bgy. Old Cabalan.


Ito Ang Totoo: walang ibinigay na otorisasyon kay Gordon ang konseho na noo’y pinamumunuan ni Paulino bilang vice mayor at hindi rin malaman kung saan napunta ang P14M pinagbentahan ng mga lupa.


Sabit din sa mga kaso sina Victor Bernabe, Dennis Martinez, Marey Beth Marzan, Oscar Agustin at Bernadine Gantan.


Magugunitang mahigit P5B ang utang na iniwan ni Gordon matapos mag-mayor ng siyam na taon sa Olongapo. Ito Ang Totoo! ITO ANG TOTOO/Vic v. Vizcocho, Jr.


.. Continue: Remate.ph (source)



UNANG 2 KASO NI GORDON SA OMBUDSMAN


No comments:

Post a Comment