ALAM n’yo bang sa isang burol (hill) pala sa isang munting bayan sa Laguna kinunan ‘yung ilang bahagi ng Tom-Den (Tom Rodriguez-Dennis Trillo) music video para sa concert nila noon sa Araneta Coliseum na offshoot ng napakamatagumpay na love team nila sa My Husband’s Lover ng GMA 7?
Napuntahan namin ang burol na ‘yon mismo nitong nakaraang Linggo lang. Tayak Hills ang pangalan ng lugar, at ito ay nasa bayan ng Rizal sa Laguna. Opo, meron palang munting bayan sa Laguna na ang pangalan ay Rizal. Kundi pa kami nayaya ru’n ng isang katotong entertainment writer, hindi namin malalaman na meron din palang bayan ng Rizal sa probinsyang sinilangan ng ating pambansang bayan.
Bago kami nakarating du’n, akala namin ay sa Zamboanga del Norte lang sa Mindanao may bayan na ang pangalan ay Rizal (na ‘di pa namin nararating, at kaya lang namin alam na may Rizal town du’n ay dahil sa mga news report tungkol sa bayan na iyon).
But then as of now. alam na namin na may lima pang bayan sa Pilipinas na ang pangalan ay Rizal. Town po, hindi province. Iisa lang ang Rizal Province sa bansa, at ‘yon ay ang dating orihinal na nakasasakop sa ilang bayan na sakop na ngayon ng Metro Manila, gaya ng Marikina, Pasig, Mandaluyong, at Taguig.
Na may lima pang ibang bayan ng Rizal sa ating bansa ay nabatid lang namin pagkatapos naming mag-post sa Facebook (FB) account namin tungkol sa pagpunta namin sa Rizal, Laguna at pag-akyat namin sa Tayak Hills. Isang FB friend namin ang biglang na-inspire na maghanap sa Google tungkol sa Rizal, Laguna, at sa pagsi-search n’ya ay nadiskubre n’yang may Rizal town din sa Cagayan, sa Kalinga, sa Nueva Ecija, sa Palawan, sa Occidental Mindoro, at sa Zamboanga del Norte nga. Dahil pambansang bayani naman natin si Jose Rizal, okey lang na marami tayong bayan na ipinangalan sa kanya. At dapat ay sumikat ang mga bayang ito sa ating bansa (at kung pwede ay pati na sa ibang bansa).
Hindi katabi ng Calamba ang bayan ng Rizal. Nasa pagitan ito ng mas kilalang San Pablo City at mas sikat na bayan ng Nagcarlan. Katabi rin ito ng Calauan, Laguna na sikat din dahil sa mga pataniman nito ng pinya. Lagpas pa ng Calamba ang bayan ng Rizal (na dating bahagi ng bayan ng Nagcarlan). Napaka-unpolluted na bayan ng Rizal sa Laguna dahil walang bumibiyaheng provincial buses ru’n. Para makarating du’n, sasakay ka ng provincial bus na dumaraan sa San Pablo City, bababa ka ng San Pablo City, kung saan may mga jeep papuntang Rizal.
Wala ring mga PUJ (public utility jeep) na bumibiyahe papunta sa paanan ng Tayak Hills na nasa Barangay Tala, pero maraming pumapanik sa burol na iyon tuwing Holy Week para manalangin sa dalawang malalaking krus sa tuktok ng burol. (Nakapapasok ang mga sasakyan hanggang sa paanan ng burol). Marami ring nagka-camping du’n tuwing Holy Week, dahil pinapayagan ang mga tao na magtayo ng mga tent at iba pang kubol sa mas mababang bahagi ng burol. Marami ring nagba-bike papunta sa tuktok ng burol. Yung ibang umaakyat ay naglalakad mula sa national highway (na patungong Nagcarlan).
Kung napanood n’yo ang music video na yon ng Tom-Den, maaalala n’yo sigurong may bundok sa likuran nila, at yon ay ang Mount San Cristobal, na isang protected site. Actually, dating itinuturing na bahagi ng Bundok San Cristobal ang Tayak Hills, pero bale hiwalay na ang burol dahil nasimulan na nga iyon na pasyalan ng mga tao (kahit na wala namang biyahe ng PUJ du’n). Hindi na pwedeng akyatin ang Mt. San Cristobal, dahil nga protected site na ito.
Siguro naman ay alam nina Tom at Dennis na Tayak Hills yung burol na pinag-tapingan nila nung music video nila. Alam din siguro ng direktor ng music video (na ‘di namin alam ang pangalan dahil hindi namin napanood yung closing credits ng video). SHOWBYTES /Danny Vibas
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment