Tuesday, August 5, 2014

SAID NA PANGARAP NI ALAN CAYETANO

MUKHANG walang patutunguhan ang pangarap ni Senador Alan Cayetano na maging Pangulo ng bansa.


Ito ang malinaw pa sa dilat ng araw kung pagbabasehan ang pinakahuling survey ng Pulse Asia na isinagawa noong nakaraang Marso na kung saan nakakuha ng 4% lamang itong asawa ni Aling Lani, ang kasalukuyang mayor ng lungsod ng Taguig.


Malinaw rin na inilabas na ni Senador Alan ang kanyang TV ads noong isinagawa ng Pulse Asia ang survey pero nanatili pa rin itong nganga o kulelat sa labanang pampanguluhan sa 2016.


Nakikita rin na kahit sa labanan ng bise-presidente ay hindi uubra itong si Cayetano kaya mukhang malabo rin itong kuhanin o aregluhin ng sinomang malalaking partido o maging ng ilang bigating presidentiables na sasabak sa halalan dalawang taon mula ngayon.


Hindi natin alam kung bakit sablay itong si Mang Alan sa lahat ng mga survey, maging ito man ay SWS o Pulse Asia, pero malinaw sa atin na talagang pilit lamang ang masang mamboboto sa paghalal dito.


Sa maikling salita, hindi ganoong ka-appeal si Cayetano sa taumbayan kaya dapat na itong tumigil sa kanyang ambisyon dahil wala namang itong patutunguhan.


Mukhang ang pagsisipsip nito kay PNoy sa iba’t ibang isyung kinasasangkutan ay wala ring appeal sa anak ni Tita Cory dahil sa ating pagkakaalam ay hindi gaanong pinapansin ito ng Malakanyang at lalong hindi raw ito ang choice ng kasalukuyang pinuno ng estado.


Tiyak na marami pa ang magaganap sa pulitika sa bansa pero tiyak tayong hindi na kasama sa equation itong si Mang Alan dahil mukhang hindi na ito aangat pa sa survey dahil walang magaganap na himala.


o0o

Dapat nang maging handa ang taumbayan sa epekto ng grabeng kakulangan ng suplay ng kuryente sa bansa sa taong 2015.


Mukha kasing hindi prayoridad ng kasalukuyang gobyerno ang pagresolba nito gayong ilang buwan na lamang ang nalalabi ay sasapit na ang 2015.


Kakulangan ng gigil ang nakikita nating dahilan sa pagresolba sa napipintong krisis sa kuryente at ‘yan ang kataka-taka dahil bilang pinuno ng bansa ay dapat lamang alerto kang lagi sa mga problemang kahaharapin ng bansa lalo na’t ang kakulangan ng suplay sa kuryente ay kasingkahulugan na rin ng pagbagsak ng ekonomiya ng estado.


Medyo iba ang nababasa nating dahilan ng pagka-usad-pagong na pagkilos ng mga awtoridad natin dito dahil may naamoy tayong pagde-delay sa kanilang pagkilos na may kahulugang malaking pera. ALINGAWNGAW/Alvin Feliciano


.. Continue: Remate.ph (source)



SAID NA PANGARAP NI ALAN CAYETANO


No comments:

Post a Comment