NAITAKAS ng Arellano University Chiefs ang makapigil hiningang panalo laban sa last year’s runner-up Letran, 63-62, sa 90th NCAA basketball tournament sa The Arena sa San Juan City kaninang hapon.
Tumikada si Keith Agovida ng 14 points, limang rebounds at dalawang assists para tanghaling best player of the game at ilista ang 6-2 win-loss card ng Arellano.
Bumanat ng 11-4 run ang Knights matapos isalpak ni Kevin Racal ang tres at mahawakan nila ang manibela, 62-61, may 1:49 minuto na lang sa fourth canto.
Dalawang mintis naman ang binitawan ni Agovida subalit naitarak nito ang pangatlong subok kaya bumalik sa Arellano ang bentahe (63-62).
Sumablay naman sa tres si Knight guard Rey Nambatac subalit nakuha muli ng Letran ang bola at tumawag sila ng timeout may 12.8 ticks na lang sa orasan.
Nabigo naman ang Knights na ipasok ang dalawang subok na game-winning baskets matapos supalpalin ni AU center Dioncee Holts si Letran forward Ford Ruaya kaya nalasap nila ang pang-limang kabiguan sa pitong salang.
Walang ginawa ang Chiefs kundi maghabol sa unang tatlong periods na umabot pa sa 10 puntos subalit kumana sila ng 9-2 run para ilagay ang Arellano sa unahan, 57-51, may 7:35 minuto pa sa pay off period.
Sumuporta sa opensa ng AU si Jiovani Jalalon matapos maglagak ng 13 pts., siyam na rebounds at anim na assists.
Bumira naman si Racal na 14 markers, 14 boards at limang assists para sa Intramuros-based squad Letran. Elech Dawa
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment