SA prostitusyon o putahan bumabagsak ang ating mga kababaihan tuwing may nagaganap na krisis sanhi ng mga kalamidad, gawa man ng kalikasan o hindi.
Nitong huli, mga kababaihan mula sa mga biktima ng Yolanda sa Samar at Leyte ang nadiskubreng nasa prostitusyon.
Sa Angeles City natagpuan ang may 18 biktima at karamihan sa mga ito ang menor-de-edad.
Nasagip ang mga ito ng mga awtoridad at nasa pangangalaga na ni Madam Dinky Soliman.
KANO ANG NAMAMAHALA
Isa sa dalawang Amerikano ang dinakip ng mga awtoridad sa kasong ito.
Sinampahan na si Mark Franklin Hill ng kaso sa ilalim ng batas expanded anti-trafficking in persons of 2012.
Nadakip si Hill bilang officer in charge ng mga klab na Grand Pharaoh at Golden Calypso na matatagpuan sa Balibago, Angeles City, Pampanga.
Napag-alamang may kumuha sa mga kababaihan na magtrabaho sa labas ng lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda subalit sa prostitution den isinadlak ang mga ito.
Ang mga inosenteng kababaihang ito ay pumayag na magtrabaho para labanan ang gutom at kahirapan subalit sa kapahamakan humantong ang kanilang kapalaran.
Dinagit sila ng mga anak ng tipaklong na walang kaluluwa at pinagkakitaan ang mura nilang katawan at dangal.
BITAYIN SILA
Dito natin naalala ang parusang bitay, mga Bro.
Ayaw ibalik ng mga awtoridad ang parusang bitay.
Dito dapat magamit ang mabigat na parusa upang, once and for all, ay epektibong mawala sa mundo ang mga hayup na ganito.
Sinasamantala ng mga ito ang gutom at kahirapan ng mga mamamayan at ginagawa nilang pagkakitaan ito.
Kung bakit ayaw ibalik naman ng mga awtoridad ang parusang bitay ay malinaw namang para sa sariling interes lang nila.
Masasama kasi sila sa bitayan sa bigat din ng kanilang mga pagkakasala sa bayan.
Ang batas sa pandarambong ay dating sakop ng Republic Act 7659 na nagdadala ng parusang bitay sa mga mandarambong.
At naniniwala tayong ito ang pangunahing dahilan kung bakit ayaw buhayin muli ng Kongreso at Palasyo ang parusang bitay.
KONEKTADO
Para sa atin, mga Bro, hindi lang ang mga kalamidad ang dahilan kung bakit may gutom at kahirapan.
Tunay na may kalamidad subalit ang kawalan o kabagalan o kakulangan ng mga kinauukulan ng pansagip sa mga biktima ng kalamidad ay sanhi ng pandarambong o korapsyon.
Mahirap mabuhay araw-araw sa gutom at kahirapan at upang mapawi ito, ang prostitusyon ang isa sa mga pinakamabilis na katugunan at pampawi.
Alam ito ng mga awtoridad subalit nakakabit lagi sa kanilang isipan kung paano pagkakitaan ang kalamidad at ang mismong mga biktima.
Saka lang lalakad ang tulong na may matagalan at malawakang tugon ang mga awtoridad kung natitiyak na sila’y kikita nang malaki.
At tiyak na magaganap ito sa mismong rehabilitasyon ng mga biktima ng Yolanda na nagkakahalaga ng nasa P170-bilyon.
Kaya naman, ang pagsasamantala ng mga buwitreng katulad ni Hill ay kakambal ng pagsasamantala ng mga awtoridad. Ang parusang bitay ay kailangan na sanang mabuhay muli dahil sa mga ito.
PAULIT-ULIT ANG KRIMEN
Hindi kaila sa ating lahat, mga Bro, na paulit-ulit ang problema sa prostitusyon tuwing may kalamidad.
Sa Zamboanga City lang, habang nagtatagal ang tent city para sa mga biktima ng giyera sa lungsod, binulabog ang mga mamamayan ng prostitusyon mismo sa evacuation center noong Disyembre 2013.
Imadyinin na hindi pa nagtatagal noon ang gutom at kahirapan sanhi ng pagkasira ng mga tahanan at hanapbuhay ng mga taga-Zamboanga.
Mga biktima mismo ang umaktong nambugaw at nagbenta ng kanilang mga sarili sa gitna pa ng evacuation center at pasilidad pa ng gobyerno… ang Zamboanga Grand…
PAGSABOG NG MT. PINATUBO
Inamin sa atin ng mga taga-Pampanga na marami ang pumasok sa prostitusyon makaraang sirain ng sumabog na Mt. Pinatubo ang malawak na bahagi ng Pampanga at Tarlac.
Subalit hindi lang sa mga prostitution den nasadlak ang maraming kababaihan kundi mismo sa mga evacuation center.
Wala kaming magagawa para magkaroon ng laman ang aming tiyan at iba pang pangangailangan, sabi nila.
Makaraan lang ng ilang buwan, habang isinasagawa ang rehabilitasyon sa lugar, umalingasaw na ang pandarambong at korapsyon sa P10-bilyong Mt. Pinatubo Rehabilitation Program.
Sa programang ito, nakapaloob ang pagbibigay ng ayuda para makabangon muli ang mga biktima subalit napunta sa bulsa ng mga korap at mandarambong ang malalaking tipak ng pondo.
Habang nakabaon na sa kaluluwa ng mga biktima ang mapait na karanasan sa kalamidad at prostitusyon, wala ni sinoman naman sa mga korap at mandarambong ang nadala sa dambana ng katarungan upang managot.
PAGBABAGO AT BITAY
Dapat na gawing leksyon ang pagkabuhay ng prostitusyon tuwing may kalamidad.
Ang mabilis na pagkilos ng mga kinauukulan laban sa gutom at kahirapan ay lubhang mahalaga.
Hindi dapat na magpatumpik-tumpik ang mga ito at magpatay ng mga oras, araw, buwan at taon sa kaiisip kung paano sila kumita.
O mamulitika kaya sa gutom at kahirapan…at rehabilitasyon.
Pero tiyak na makatutulong ng malaki laban sa prostitusyon, korapsyon at pandarambong ang muling pagbuhay ng parusang bitay.
Hindi pupwedeng tuwing may kalamidad o krisis ay matatagpuan na lang natin ang ating mga asawa o anak o kamag-anak na ginagawang kalakal ng iba.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/Benny Antiporda
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment