MAHIGIT isang oras ang talumpati ni Pangulong Benigno Aquino sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA). Sari-sari ang reaksyon ng bayan. May nagsabi na wala raw laman ang SONA at maraming hindi nabanggit na issue tulad ng FOI at ang issue sa sistema ng transportasyon.
Pero may natuwa sa detalye tungkol sa mga kalsada at kalyeng naipagawa ng administrasyon. Marami rin ang natuwa sa seryosong pagtutok sa issue ng national defense. Binigyang detalye kasi ang klase ng mga sasakyang pandigma na binili tulad ng helicopters at high-powered guns.
Napansin ng marami na iniwasan ni PNoy ang mga kontrobersyal na issue tulad ng DAP at ang ‘di pagkakaunawaan nila ng Supreme Court. Kung mga kritiko ang tatanungin, hindi sila natuwa dahil sa kanilang palagay ay winalang bahala ng Pangulo ang ginagampanan ng mga bumabatikos sa administrasyon dahil tinawag sila ni PNoy na anti-people.
Pero ang naging highlight ng SONA ay nang naging emosyunal si Presidente Noy sa isang bahagi ng kanyang talumpati. Kapansin pansin na gumaralgal ang kanyang tinig at naluha pa roon sa bahagi na nakiusap si PNoy sa mga tao na patuloy na suportahan ang kanyang administrasyon dahil daw wala siyang hinangad kundi ang ikabubuti ng bansa at ng mga Filipino.
Para sa marami, hindi pangkaraniwan na nagiging emosyonal ang Pangulo sa SONA pero dahil natural na emosyunal ang mga Filipino, alam natin na marami ang naantig ang loob sa pagluha ni Noy.
Ang sabi nga ng isang nakausap ko, kung ikaw ay isang public servant at alam mo kung gaano kahirap ang maglingkod sa bayan ng buong puso’t walang pag-iimbot ay maiintindihan mo ang ipinakitang emosyon ni President Aquino.
Sa huli, alam natin na hindi nawawala ang suporta ng sambayanan sa Pangulo.
Pero huhusgahan pa rin siya ng kasaysayan hindi dahil sa emosyong ipinakita niya sa SONA kundi sa kung ano ang nagawa ng kanyang administrasyon tungkol sa pagsawata sa gutom at kahirapan, sa pagresolba sa problema ng ekonomiya at sa paggiya sa Pilipinas tungo sa magandang bukas. SIBOL/Atty. Ariel Enrile-Inton
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment