AYON sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, magdadala ang bagong bagyong Jose o Halong ng mga malalakas na ulan sa mahal kong Pinas.
Pero pansamantala na malayo pa ito, hinahatak nito ang habagat at nagdadala na ito ng mga malalakas na pag-ulan sa Metro Manila, Central Luzon, Ilocos Region, CALABARZON at MIMAROPA, ang mga lugar na dinaanan at binayo ng bagyong Glenda.
Halos kasinlakas ni Jose ang kaaalis lang na bagyong Glenda.
Habang palapit nang palapit si Jose sa Pinas, may katamtamang hangin ito na 185 kilometro bawat oras at may bugsong 225km/h.
Pero sinasabing lumalakas pa ito.
Si Glenda ay may katamtamang bilis ng hangin na 165kph at may bugsong 250kph.
MAGHANDA KAY JOSE
Batay sa karanasan kay Glenda, dapat na maghanda ang lahat laban kay Jose.
Kahit sinasabi sa ngayon na maaaring hindi mag-landfall ito sa kalupaan ng Pinas.
Hindi tayo kasi nakasisiguro dahil sa karanasang basta na lang nagbabago ang direksyon ng mga bagyo.
Mayroon pa ngang bumabalik at naninirahan ng kung ilang araw sa Pinas bago ito lumayas.
Parang tinitiyak ng mga loko-lokong bagyo na mag-iwan muna sila ng mga matitinding kamatayan at kasiraan bago sila umalis.
Kaya naman, dapat mag-handa tayong lahat. At kabilang sa mga dapat paghandaan natin ang mga baha, blackout, brownout, landslide at iba pang delikado sa mga mamamayan.
BIKTIMA NI GLENDA
Ayon sa mga ulat, pumatay noon ang bagyong Glenda ng nasa 100 Pinoy, sumugat ito ng nasa 638 katao habang may limang nawawala.
Lagpas naman sa P10-bilyon ang sinira nitong ari-arian sa pamamagitan ng malakas na hangin at baha.
Binalewala ni Glenda ang zero casualty ng gobyerno na higit na nalululong sa pakikipag-away sa pulitika at pagtiyak na may bulto-bultong salapi ang mga opisyal nito mula sa salaping bayan kahit na magkandaletse-letse ang buhay ng mga Filipino.
Dahil halos magkasinlakas sina Glenda at Jose, maaaring maulit ang kamatayan at kasiraan sa daraanan nitong lugar.
Pero dahil sa ating karanasan kay Glenda, sana makapaghanda na tayo ng mas maganda upang maiwasan natin ang mga kamatayan at kasiraan.
DARAANAN NI JOSE
Ayon sa PAGASA, lalapit si Jose ng 870 kilometro sa silangan ng Casiguran, Aurora ngayon at nasa 800 kilometro ang layo nito sa East Northeast ng Aparri, Cagayan bukas at may layo naman itong 800 kilometro sa East Northeast ng Basco, Batanes.
Sana nga totoong hindi daraan sa ating kalupaan si Jose.
At pasasalamatan natin nang todo ang Maylikha rito at iniiwas niya tayo sa sunod-sunod na kalamidad.
4 NA BAGYO SA AGOSTO
Tutal bagyo pa rin ang usapan, mga Bro, sinasabi ng PAGASA na may darating na apat na bagyo ngayong Agosto at nauna na nga si Jose.
Syempre, iba pa ang darating sa mga buwan ng Setyembre at Oktubre.
Nangangahulugang hindi dapat patsi-patsi ang ating mga paghahanda.
Ngayon pa lang ay pag-isipan na natin kung papaano lalabanan ang mga blackout at brownout.
Para sa mga obrero, halimbawa, tigil ang kanilang trabaho at nangangahulugan ‘yan ng gutom at paghihirap.
Magsasara ang mga pabrika at iba pang mga establisimyento na kanilang pinapasukan.
Ano-ano ang ihahanda nila para sa kanilang mga pamilya, ang mga anak na nag-aaral, ang kakapusan sa pagkain.
At kung may nagkakasakit o nadidisgrasya?
AYUSIN ANG MGA PROYEKTO
Para sa Metro Manila at iba pang mauunlad na lungsod na may napakaraming pagawaing bayan sa mga lansangan, kanal at iba pa, dapat na paspasan at maayos ang mga paggawa.
Napapansin kasi natin, mga Bro, na nanggagaling sa mga hinuhukay na lupa mula sa mga pagawaing bayan ang nagda-dive sa mga kanal at imburnal na daanan ng mga tubig.
May mga pribado ring may katulad na mga proyekto o ginagawa.
Kasama rin sa mga pumupuno sa mga imburnal at kanal ang mga buhangin at gamit sa konstraksyon gaya ng mga kahoy, coco lumber, plywood, supot ng semento at iba pa.
Baha, mga Bro, ang idinudulot ng mga ito.
At kung may baha, katakot-takot na trapik ang ating mararanasan.
Marami namang nasisi-rang mga puwesto ng negosyo at may nakita pa nga tayong nakalubog sa baha na ATM ng bangko.
BUHAY ANG PINAKAMAHALAGA
Syempre pa, buhay pa rin ang pinakamahalaga.
At kabilang sa mga paghahanda rito ang pagsunod sa mga kautusan ng mga kinauukulan para sa kaligtasan mula sa kamatayan, pagkabalda o pagkakasakit kaya.
At kung naligtas naman tayo, ang mahigpit na tulungan at pagkalinga sa isa’t isa ang lubhang kailangan.
Hindi dapat na maulit uli ang kasaysayan ng pagtatago ng relief goods upang ilang tao lang ang makikinabang.
Hindi rin dapat na pabayaang magsamantala ang mga negosyante ukol sa mga batayang pangangailangan ng pamahalaan.
Ang hoarding at overpricing ng mga produkto at serbisyo ay dapat na makontrol.
Nababanggit natin ang overpricing sa serbisyo kaugnay ng pagsasamantala sa pamasahe o gastos sa arkila ng mga sasakyan ng mga biktima ng kalamidad.
Ang paglikha ng elektrisidad ay isa ring sitwasyon na may labis na pagsasamantala at dito dapat na magbantay mismo ang pamahalaan.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/Benny Antiporda
.. Continue: Remate.ph (source)
No comments:
Post a Comment